By Francine Irish Raña • October 21, 2024

Sampung taon mula nang maipanukala ang batas na naglalayong patabain ang utak ng mga batang Filipino hinggil sa konsepto ng wika, agham, at sipnayan, ngunit tila hindi pa rin malinaw kung nasaan na tayo mula sa ating unang hakbang sa pagturo ng wikang katutubo. Bagaman malimit na bigyang-diin sa pagpatak ng buwan ng Agosto sa mga paaralan, hindi epektibong napagyaman ang katutubong wika sa mga silid-aralan.

Malayo sa hangarin na paunlarin ang sistemang edukasyonal ang nangyari sa mga taong lumipas gamit ang Mother Tongue o ang ‘kinagisnang wika ng mga mag-aaral bilang midyum sa pagtuturo: nanatiling sadsad ang ating kalagayan sa parehong nasyonal at internasyonal na pagsusuri. Taon-taon kung ibalita sa midya ang ating kaawa-awang bahagdan pagdating sa learning poverty ayon sa ulat ng World Bank at ang ating karaniwang iskor sa mga pagsusulit tulad ng Programme for International Students’ Assessment (PISA), Trends in Internal Mathematics and Science Study gayundin sa National Achievement Test na ibinabahagi mismo ng DepEd.

Natural na mahalaga ang edukasyon kung kaya’t ito’y sinusuri at isinusulong. Ito ang angkla kaya’t minabuting ipatupad ang paglunsad ng MTB-MLE (Mother-Tongue Based-Multilingual Education) kung saan ang wikang ginagamit ng mga mag-aaral ang siyang midyum na gagamitin sa mga talakayan at kagamitang panturo alinsunod sa mandato ng Batas Republika Blg. 10533 o mas kilala bilang K-12 Law. Ayon ito sa ideyang mas nasasaklaw ng mga bata ang mga kasanayan sa pagkatuto kung gagamitin ang kanilang kinagisnang wika. Subalit kahit pa man makabayan at malalim ang katuturan ng polisiya, dahil baluktot ang sistema, hindi nagbunga ang layunin at nauwi lamang ang lahat sa pawang isang mahabang eksperimentasyon. Hindi nakakagulat na may mga artikulong nagsasaad na pinagpasilbi lamang ang mga batang dumaan sa programang ito bilang “guinea pigs.”

Una, hindi naaayon sa naging saligan ng batas ang naging kurikulum ng programa. Ang tinatawag na Lubuagan Experiment, kung saan unang isinagawa ang pagturo ng Mother Tongue bilang midyum sa pagtuturo ay nagbigay ng paunang pagsasanay sa English, Filipino at Mother Tongue reading sa unang baitang pa lamang ng mga mag-aaral. Ngunit sa pamamaraan ng DepEd, ang pagbabasa ng Ingles at Filipino ay napabilang lamang sa kurikulum sa ikalawang semester ng panuruang taon. Kung alam lang nga ng mga mambabatas na sa ikatlong baitang na matututo ang bata ng wikang Ingles at Filipino, mariin na sana itong kinondena sapagkat karaniwan nang nakakapagbasa ng parehong wika ang mga bata noon sa unang baitang pa lamang. Ang hakbang na ito’y isang uri ng pagbabaluktot ng saligan na siyang pangunahing nagpatibay sa polisiya. Kung kaya’t hindi naging kasing-bisa ng eksperimento ang konkretong implementasyon sapagkat ito’y mali, huwad at baluktot.

Hindi na rin kagulat-gulat kung bakit pansin ang naging pagbabago sa linguistic competence ng mga mag-aaral bunsod ng MTB-MLE implementation, kung saan hirap ang mga mag-aaral na umunawa at bumuo ng mga pangungusap sa wikang Filipino at Ingles na, sa uulitin, ay pinagtitibay ng mga pagsusulit. Nawala rin ang pundasyon ng pagiging matatas sa wikang Filipino’t Ingles ng mga batang Filipino. Ang masaklap pa ay Filipino-English ang gamit sa mass media, at ito rin ang midyum sa pagtuturo mula baitang apat hanggang pagtungtong sa unibersidad.

Walang kaukulang pondo. Walang opisinang tagapagmasid ng sistema sa mga panlalawigan o panlungsod na sangay. Kulang ang mga gamit. Walang angkop na pagsasanay sa mga kaguruan. Kung susumahin: hindi handa ang gobyerno para sa implementasyon ng polisiyang nais nilang ipatupad. Ang resulta: hindi mabilang na pagdinig sa senado ukol sa hindi mabaling ikot ng inkompetensiya. Sabagay, bukod sa hindi mapundohan ng maayos bunsod ng katiwalian, bakit mo nga ba pupundohan ang isang sektor at proseso na kapag naging epektibo ay siyang magpapalakol sa mga maling mekanismo sa lipunan at politika?

Dahil sa pamamaraan ng kagawaran sa pagpapatupad ng polisiya, hindi lamang ang pagkatuto sa wikang Ingles at Filipino ang naisakripisyo. Hindi rin nagbunga ang intensyong itatag at palalimin ang kamalayan sa katutubong wika lalo na’t 19 lamang na wika ang nagagamit bilang midyum sa asignaturang MTB-MLE mula sa kabuuang 245 na katutubong wika ayon sa talaan ng Philippine Statistics Authority. Ang nangyayari pa nga ay  ipinipilit na ituro ang isang libro sa mga mag-aaral kahit pa man hindi eksaktong tugma ang wikang ginamit sa libro sa wikang sinasalita ng mga bata.

Sa loob ng sampung taon, malinaw na nagkulang ang kagawaran upang busisiin ang kanilang programa sa pamamagitan ng hindi pag-aral sa naging epekto ng programa sa tagapaunang pangkat no’ng sila’y maging Grade 4 taong 2015-2016. Ngayon, tumuntong na sila sa unang baitang ng kolehiyo at mawawala na ang MTB-MLE sa konteksto. Gayunpaman, umabot sa isang dekada ang kapalpakang isulong ang karunungan dahil sa pagyakap sa mekanismong binalewala ang katuturan ng kaniyang pangunahing batayan. Isang dekadang naging mailap ang matatag na panwikang kasanayan sapagkat may nakapunlang pintas sa sistema na nag-uugat simula sa kritikal na mga taon nang pagsibol ng bata.  


ABOUT THE AUTHOR

Francine Irish Raña

Feature Editor

Francine Irish is the current Interim Feature Editor of ThePILLARS Publication.

NEWSLETTER

Stay connected with the latest stories from our publication, where we deliver thought-provoking insights, fearless journalism, and creative expressions from the Atenean community. Join us in our mission to inform, inspire, and empower, as we guide readers toward a more enlightened and compassionate future.

LATEST ARTICLES

STATS101 | Students Share Feedback on Revised Activity Schedule

According to the recent survey conducted by ThePILLARS Publication on 3 to ...

VOX ATENEO | Ateneans' sentiments on the AdNU enrolment process

Long queues. Blocked enlistment accounts. Inability to enlist subjects due ...

BUNGKALON: Official Statement of ThePILLARS Publication on the 15th Anniversary of Ampatuan Massacre

On this 23rd day of November 2024, we solemnly commemorate one of the darke...

AdNU adjusts acad calendar, grading guidelines after 'Kristine'

The Office of the Vice President for Higher Education released a memorandum...

Baluktot na Saligan: Isang Dekadang Kapalpakan

Sampung taon mula nang maipanukala ang batas na naglalayong patabain ang ut...