Tingin sa kanan, tingin sa kaliwa. Yapak ng nagmamadaling mama ang maririnig sa buong kalsada. Higpitan ang kapit at baka ika’y mawala.
Panibagong simula, panibagong pagsisikap. Ang tagaktak ng pawis ay nadarama ng buong madla. Humihingal ang pagod ng katawan. Subalit wala tayong magagawa. Kalam ng sikmura ang nakasalalay sa bawat paggawa.
At pagdating ng dapithapon, perang pinagpaguran ang siyang iuuwi sa ating pamilya. Kalkulado na sa utak kung para kanino ang bawat sentimo. Pagkain, tubig, kuryente. Mahaba na ang listahan ngunit wala pa sa kalahati ang maiaabot. Ang malamlam na mga mata’y tanda ng pagkabigo sa buong maghapon. Kayod kalabaw na ang ginawa, bakit tila wala pa ring nagagawa?
𝘒𝘢𝘪𝘭𝘢𝘯 𝘣𝘢 𝘴𝘢𝘴𝘢𝘱𝘢𝘵? 𝘒𝘢𝘪𝘭𝘢𝘯 𝘮𝘢𝘱𝘢𝘨𝘣𝘪𝘣𝘪𝘨𝘺𝘢𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘶𝘯𝘵𝘪𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘵𝘢𝘢𝘴 𝘯𝘨 𝘬𝘪𝘵𝘢?
Ang kasalukuyan ay walang pakundangan sa pagpapatibay ng ekonomiya.
Negosyo’t imprastraktura ang nasisilayan sa bawat eskinita. Patuloy na umaagos ang pera patungo sa kamay ng mga maharlika. At ang mga trabahador ay patuloy na kumakayod sa ilalim nila. Mga manggagawang babad sa gawa ngunit kulang sa kita. Mahigit tatlong daang piso lamang ang naiipon sa bawat araw. At mahigit isang libong gawa ang itinatambak sa kanila. Ang pagitan ng dalawang numero ay simbolo ng tahasang pagsasamantala sa bawat manggagawang Pilipino.
𝘛𝘶𝘮𝘢𝘢𝘴 𝘯𝘢 𝘢𝘯𝘨 𝘭𝘢𝘩𝘢𝘵, 𝘴𝘢𝘩𝘰𝘥 𝘯𝘢 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘬𝘢𝘭𝘶𝘨𝘮𝘰𝘬 𝘴𝘢 𝘪𝘣𝘢𝘣𝘢.
Higit pa riyan, patuloy na napag-iiwanan sa laylayan ang mga manggagawang nasa likod lamang ng kamara. Malayo sa industriyalisasyon at pilit na iginagapang ang agrikultura ng bansa. Tipong walang nakakapansin sa bawat butil ng pawis na tumutulo sa kanila. Walang nakakarinig sa bawat hinaing na kanilang ipinapamalita. Walang tulong na dumarating. Ibinabaon sa limot ang kahalagahan ng kanilang ginagawa. Ngunit nariyan pa rin sila. Sa kabila ng pagpataw ng mababang presyo sa kanilang mga produkto. Patuloy na kumakayod para sa kinabukasan nila. At patuloy pa ring sinasamantala ng mga nasa itaas at mayayamang may kaya..
Paano naman kaming nasa lansangan kumakayod? Maghapong nag-aabang kumita ng walang kasiguraduhan.
Sa ilalim ng sikat ng araw, laging nariyan sila. Nagtatawag sa bawat dumadaan. Nagbabakasakaling mapagbigyan at makaipon kahit pantawid gutom lamang. Mga manggagawang maghapon sa lansangan, hindi makauwi hangga’t walang maiuuwi. Sa kabila ng pasakit, tila lalo pang pinapahirapan ng kasalukuyang pamahalaan. Mga pagbabagong hindi angkop sa kanilang pamumuhay. Sa mahigit dalawang milyong halaga bawat dyip na kanilang pinapanukala, saan aabot ang pasadang kulang pa para mabuhay sila?
𝘔𝘶𝘭𝘢 𝘯𝘰𝘰𝘯 𝘩𝘢𝘯𝘨𝘨𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘨𝘢𝘺𝘰𝘯: #𝘕𝘰𝘛𝘰𝘑𝘦𝘦𝘱𝘯𝘦𝘺𝘗𝘩𝘢𝘴𝘦𝘰𝘶𝘵
Kung kaya’t ngayong unang araw ng Mayo, ating gunitain ang bawat sakripisyong iginawad ng mga manggagawang Pilipino sa ating bansa. Mula sa malamig na silid ng mga opisina, sa sakahang babad sa sikat ng araw, at maging sa mga nakikipagsapalaran sa lansangan. Bigyan natin ng pagkilala at paggalang ang bawat kayod na kanilang ginagawa.
Higit sa lahat, kaakibat ng mga manggagawang Pilipino, ay patuloy nating ipaglaban ang kanilang karapatan. Igiit sa mga nasa itaas ang kanilang importansya, at ang benepisyong nararapat para sa kanila. Dahil tila bulag at bingi ang mga nasa itaas. Walang pakundangan sa inilalahad na “modernisasyon”. Ngunit walang konkretong solusyon sa mga manggagawang hindi makasabay sa agos ng panahon.
Dahil kung wala sila, walang mayayamang nakahiga ngayon sa pera.
FB Post: https://www.facebook.com/share/p/18MYVERUY1/
newspaper NEWSLETTER
Stay connected with the latest stories from our publication, where we deliver thought-provoking insights, fearless journalism, and creative expressions from the Atenean community. Join us in our mission to inform, inspire, and empower, as we guide readers toward a more enlightened and compassionate future.
announcement LATEST ARTICLES