By ThePILLARS Publication • February 26, 2025
Visuals by ThePILLARS Publication

Dilaw ang representasyon ng transpormasyong sumulong tungo sa paglaya mula sa kamay ng diktadurya. Ito ang siyang kulay na umibabaw sa pulang danak, sa marka ng karahasan at sa pang-aabuso ng kapangyarihan. Malimit kung ito’y iniuugnay sa mukha ng noong biyuda na si Corazon Aquino, asawa ng pinaslang na dating Senador Ninoy Aquino Jr. Gayunpaman, ang ugnayang ito ay pawang hibla lamang ng dilaw na sagisag na iwinagayway sa lansangan ng EDSA. Ang tunay na naghibla ng kayo’t bandila ay ang lakas-pwersa ng mga nagngangalit na patalsikin ang pamilyang nagtaksil sa bayan.

Higit sa isang kulay o personalidad, ang EDSA People Power Movement ay bunga ng mga dekadang pagdurusa, pagtutol, at pagtataksil na naranasan ng mas malawak na masa. Ito ay maituturing na isang tagumpay, ngunit kinulang pagdating sa pagdadala ng tunay na pagbabago sa sistema. Sa kasalukuyang kalagayan ng bayan, nararapat tanungin ng sambayanan: nananatili pa ba ang alab ng kilusang sinimulan noong EDSA, o tuluyan na itong nilamon muli ng lumang sistema?

Epifanio de los Santos Avenue—sa kahabaan nito, naiukit ang makasaysayang pagtitipon ng sambayanang Pilipino mula sa pusod ng bansa. Mula ika-22 hanggang ika-25 ng Pebrero 1986, libu-libong mga Pilipino ang madamdaming nakiisa sa alab ng isang pag-aalsa. Bitbit ang panalangin habang sila ay tumahak sa lansangan umaga’t gabi, walang pintang pangako man ay sumugal para sa ningning ng demokrasya. Dalawampung taon nang sumailalim ang Perlas ng Silangan sa isang madilim na lagusan, malayo sa kalayaan—isang lagusang nabuksan nang umiral ang Batas Militar noong ika-21 ng Setyembre, taong 1972.

Sa kabila ng pagtuligsa ng estado sa mga kritiko ng Batas Militar, mayroon ng mga grupo na unang tumindig para sa mapayapang negosasyon bago pa man umapoy ang rebolusyon sa pagkamatay ni Ninoy Aquino. Ilan na rito ang mga alyansa ng mga katutubo, kababaihan, mag-aaral, at mga manggagawa na itinuloy ang protesta at aktibismo. At bunsod ng pilit na pagbaon sa kanilang pakikisumamo gamit ang pwersa ng estado, nabuo ang Movement of Concerned Citizens for Civil Liberties—samahang nakipagbuno sa pagsulong ng karapatang pantao–patunay ng pagsumang sa paniniil at inhustisya. 

Sa paglaon ng panahon, habang mas umalingawngaw ang ingay ng kurapsyon at kalupitan, tumindi ang lalim ng sugat mula sa administrasyon ng unang Marcos. Ang tugatog ng hapdi ay lumitaw sa pag-anunsiyo ng “snap elections” noong 1985 kung saan nakatunggali niya si Corazon “Cory” Aquino na nakatanggap ng petisyong may mahigit isang milyong pirmang hudyat ng panawagan para sa pagkapangulo. Sa araw ng eleksyon noong ika-7 ng Pebrero 1986, si Cory ang nanguna sa bilangan ng National Movement for Free Elections (NAMFREL), subalit si Marcos Sr. ang nanguna sa bilangan ng COMELEC. Ang dahilan—isang tatak-taktika ng mga taksil— panlilinlang at pandaraya. 

Ika-22 ng Pebrero, parehas na taon, nagsimula ang kudeta ng mga militar sa pamumuno ni Col. Gringo Honasan sa utos ni Defense Minister Juan Ponce Enrile. Ngunit, bago pa man maisakatuparan ang plano, si Enrile, kasama ang AFP Vice Chief of Staff, General Fidel Ramos, ay napag-alamang naipit sa Camp Aguinaldo matapos matimbog sa pinaplanong pag-aalsa. Ito ang nagtulak kay Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin na gamitin ang kanyang tinig sa Radyo Veritas upang humingi ng suporta sa taumbayan. Ang naging tugon ng bayan: unti-unting pagdumog ng mamamayang Pilipino sa kahabaan ng EDSA at tahasang pagpapakita ng pagwawaksi sa huwad na korona ng diktadurya. 

Makalipas ang matagumpay na pagpapatalsik sa diktador, nagmistulang guni-guni lamang ng masa ang sinasabing pagbabagong dulot ng makasaysayang paghihimagsik. Si Cory na siyang bagong pangulo ay naging tuta ng imperyalistang pwersang Amerika sapagkat napagtanto sa rehimeng ito na hindi pa tuluyang makatatayo ang Pilipinas sa sarili nitong mga paa. Sa halip na tunay na magkaroon ng susi sa landas ng pagbabago, nabigo ang pagsibol ng pag-asa dahil humina ang mga rebolusyonaryong kilusan at partido na dapat magtutulak sa bagong administrasyon tungo sa makamasa at makatarungang reporma. 

Hindi si Cory ang tanging dapat magpasan ng pag-abante sa pangmatagalang transpormasyon ng bansa sapagkat nakasalalay ang tuloy-tuloy na progreso sa mga kamay ng mga haliging handang palawakin ang rebolusyon—ang masa at progresibong mga organisasyon. Kapansin-pansin na tila nakaligtaan ng mga tao kung ano ang kahaharapin nilang kapalaran matapos ang pagbubuklod sa EDSA. Nagtapos ang kanilang aktibong pag-aksiyon sa mga nakagigimbal na krisis at problema ng lipunan nang may bagong halal sa palasyo. Sila’y nalinlang ng paglipad mula sa madugong pamamalakad ‘pagkat nalimutan nila ang isang malagim na katotohanan: ang bayan ay hindi uunlad sa isang pitik ng mga daliri kung makukulong ang taumbayan sa pantasyang nagwakas na ang laban.

Tatlumpu’t siyam na taon. Wala nang pag-aalsa na kasing tatag, kapal, at tagal ng mga nagmartsa noong EDSA. Ngunit bilang pag-alaala at paalala ukol sa nakaraang pilit binubura sa memorya ng kasalukuyan: Ang lakas ng bayan ay lakas ng isang tinig na marunong sumigaw sa galit. Ito ay lakas ng isang kamay na kayang sumunggab at magbuwal ng bakal. Ito ay lakas ng isang paang kayang tumakbo at lumusob habang humakbang ng palayo at paharap—mula sa bitag hanggang paglaya. 

Subalit, ayon sa datos ng School of Government ng pamantasan ng Ateneo De Manila, 80 bahagdan ng mga gobernador, 67 bahagdan ng mga kinatawan ng Kamara, at 53 bahagdan ng mga alkalde ay mga taba sa obese na political dynasties. Lumipas na ang siglo, ngunit ang bayan ay bitag pa rin—lubog sa pamanang utang na hindi mabayad-bayaran ng ilang henerasyon ng pawis. Ang katas ng himagsik ay ilang dekadang pag-alpas mula sa hinagpis, ngunit ang kabayaran ay muling pagtalon sa bingit ng dilim. Tayo ang naging kulay sa watawat ng himagsikan—saksi na ang pamahalaan ay hindi tunggalian ng kulay, bagkus ng tugmaan ng tapang. Ngunit ang ating bagsik ay sabit sa bigkis ng sistema: lahat ba nang pag-alsa’t pagpinta’y nauwi lang sa wala?

ABOUT THE AUTHOR

ThePILLARS Publication

Managing Writer

For a freer campus press!

NEWSLETTER

Stay connected with the latest stories from our publication, where we deliver thought-provoking insights, fearless journalism, and creative expressions from the Atenean community. Join us in our mission to inform, inspire, and empower, as we guide readers toward a more enlightened and compassionate future.

LATEST ARTICLES

Nexperia workers protest at DOLE over wages, layoffs

Workers from Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) staged a prote...

Buklod Atenista OKs charter changes, 14 resolutions at 41st BANLS

The National Congress (NatCon) of Buklod Atenista (BA) ratified amendments ...

Dilaw, Asul, Puti, Pula: Ta(y)o ang Pinta

Dilaw ang representasyon ng transpormasyong sumulong tungo sa paglaya mula ...

Lideratos faces urgent budget decision after TO deadline change

The Liderato kan Nueva Atenista, the Student Government of Ateneo de Naga U...

CEGP rallies student pubs vs campus press repression

In response to the growing cases of threats and oppression plaguing campus ...