By ThePILLARS Publication • July 28, 2025

Kapag sobra kang ginutom, pati mumo, magmumukhang handa.

Ito ang malupit na metapora na pinakamabisa sa paglalarawan ng kalagayan ng bansang Pilipinas, tatlong taon matapos maupo sa puwesto si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Isa itong bayang niluray ng madugong giyera kontra droga, pinatahimik ng takot, at iniwang wasak ang mga institusyon ng demokrasya. Sa ilalim ng panunungkulan ni Rodrigo Duterte, libo-libo ang pinaslang sa ngalan ng kampanyang wala namang tunay na solusyon. Nalusaw ang karapatang pantao, binusalan ang midya, at isinuko ang West Philippine Sea kapalit ng malabong mga pangako mula sa Beijing. Nang dumating ang pandemya, bumagsak ang sistema ng edukasyon. Samantala, tumaas ang kaso ng red-tagging, pananakot, at pamamaslang laban sa mga pumupuna. Nawalan ng tiwala ang taumbayan sa gobyerno.

Sa pag-upo ni Marcos Jr. sa Palasyo ng Malacañang noong 2022 dala ang 31 milyong boto, baon niya ang bigat ng kasaysayan. Anak siya ng diktador na naghari sa bansa sa loob ng ilang dekada. Marami ang kinabahan, inasahan ang pagbabalik ng dating bangungot. Ngunit dahil sa matinding pinsalang iniwan ni Duterte, naging sapat na para sa ilan ang pagiging magalang ni Marcos Jr., ang kanyang kawalan ng mura sa talumpati, at ang kanyang pagsipot sa mga dayuhang pagpupulong. Na para bang mas magaan sa damdamin na piliin na lamang ang pag-asa mula sa isang tuso kaysa sa takot na hatid ng isang hayop. Sa mata ng marami, tila iyon na ang pag-angat. 
Ngunit hindi pamumuno ang hindi pananakit nang lantaran. Hindi reporma ang pananahimik. At lalong hindi katumbas ng pagbabago ang maayos na pananamit at mahinahong tono.

Sa ikatlong taon ng kanyang panunungkulan, nananatiling hungkag ang islogang “Bagong Pilipinas.” Habang abala ang pangulo sa pagbibiyahe, pagpupugay, at pagpapa-picture sa mga dayuhang pulong, nananatiling kapos ang mamamayan sa pagkain, sa kita, at sa pag-asa. Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Patuloy ang paghihirap ng mga magsasaka. Patuloy ang paglayo ng masa sa daan patungo sa ipinangakong bagong Pilipinas. Sa kabila ng mga pangakong tapusin ang smuggling at hoarding, wala pa ring mga napaparusahan. Ang mga mumo ng ayuda ay ipinapamukha bilang biyayang dapat ipagpasalamat.

Sa mga tarpulin, naka kalat ang “Bagong Pilipinas.” Ngunit tanong parin ng marami kung saan nga ba aabot ang bente pesos? Sa mga SONA, tila progresibo at umuusad ang mga pangakong mas tapat, mabilis, at makataong serbisyo. Ngunit nasaan ang mga handang evacuation centers? Ang mga liblib na sitio, walang doktor, walang classroom, walang kalsada. Baka naman ang Bagong Pilipinas ay larawan lang sa billboard, at malayo sa katotohanan sa mesa ng ordinaryong Pilipino. 

Hindi rin sinugpo ni Marcos Jr. ang katiwalian. Hindi niya pinigilan ang sistemang pork barrel. Walang malinaw na kampanya laban sa mga political dynasty. Bagkus, pinalibutan niya ang sarili ng mga kilalang pangalan sa pulitika. Mga kapanalig ng kanyang pamilya, mga tauhang galing pa sa mga administrasyong nagdaan. Walang seryosong pagtuligsa sa mga ugat ng kurapsyon. Walang sinserong pagnanais na baguhin ang sistema.

Kahit hawak ang supermajority sa Kongreso, walang naipasa ang administrasyon na makabuluhang batas na sasagot sa mga panawagan ng bayan—hindi para sa edukasyon, hindi para sa transportasyon, hindi para sa karapatan sa impormasyon. Ang edukasyon ay nananatiling nasa krisis; ang DepEd ay abala sa pagpapalit ng terminolohiya habang patuloy na nalulugmok ang mga estudyante at kaguruan sa kakulangan ng kagamitan, pasilidad, at suporta. Ang kinabukasan ng kabataan ay patuloy na isinasantabi at ipinagsasawalang-bahala.

Sa usapin ng ugnayang panlabas, pinuri si Marcos Jr. sa pagbaling muli sa Amerika at sa mas matatag na tindig kontra Tsina. Ngunit nananatiling retorika ang lahat—ang pananakop ng Tsina sa West Philippine Sea ay hindi pa rin napipigilan. Sa kabila ng mga pahayag ng pagkondena, walang malinaw na estratehiya kung paano ipagtatanggol at pagtitibayin ang ating soberanya. Walang konkretong plano para sa seguridad ng bansa. Matapos magpakatuta ni Duterte sa Beijing, parang isang asong ulol naman si Marcos Jr. ng Washington. Nagpalit lamang ng amo subalit nananatili pa rin tayong isang semi-kolonya ng mga makapangyarihang bansa.

Sa ilalim ni Marcos Jr., hindi rin bumuti ang kalagayan ng midya. Nanatiling isa sa mga pinaka-mapanganib ang Pilipinas para sa mga mamamahayag. Patuloy ang red-tagging at pananakot. At bagama’t hindi na murahan ang istilo ng Pangulo, nananatili ang katahimikan ng kanyang administrasyon sa harap ng mga paglabag—at ang katahimikang ito ay kasabwat pa rin ng pang-aabuso.

Sa harap ng palala nang palalang baha sa iba't ibang rehiyon, lantad ang kakulangan ng gobyerno sa malinaw, maagap, at komprehensibong flood control at disaster preparedness plans. Kada pag-ulan nang malakas ay nariyan ang pangamba sa pagbaha. Kada sakuna ay parang unang beses nilang nalaman at haharapin ito. Walang malinaw na plano sa relocation, sa sustainable infrastructure, o sa pagtugon sa climate crisis. Sa isang bansang likas na binabagyo, ito ay kriminal na kapabayaan.

Ang katotohanan: itinatag ni Marcos Jr. ang kanyang pamumuno sa ibinabang pamantayan. At dahil hindi siya garapal, hindi siya bastos, at hindi siya hayagang mapanupil, marami ang nakuntento. Ngunit hindi dapat ipagdiwang ang isang pamahalaang “hindi nananakit.” Hindi dapat palakpakan o pinupuri ang “kawalan” ng pag-abuso, dahil iyon ang kapiranggot. Hindi iyon pamumuno. Iyon ay pagiging balintiyak.

Tatlong taon na. Wala pa ring malinaw na direksyon. Walang malalim na pagbabagong istruktural. Walang matapang na pagharap sa ugat ng kahirapan, katiwalian, at kawalan ng hustisya. Imbes na pag-asa, panay plataporma sa papel at retorikang malinis lamang pakinggan.

Hindi tayo dapat makuntento sa mumo. Hindi ito ang ipinaglaban natin. Hindi ito ang ibinoto ng mamamayang Pilipino. Ang tunay na gobyerno ay hindi lamang nagbibigay ng bigas o ayuda. Ito ay nagbibigay ng katarungan, oportunidad, at dignidad. Hindi sapat ang pagiging mahinahon kung walang ginagawa. Hindi sapat ang pagiging magalang kung ang resulta ay kawalang-kibo.

Hindi "Bagong Pilipinas" ang isang bansang nakapako pa rin sa lumang kulturang takot, pabaya, at tahimik. Kung hindi kikilos ang administrasyong ito sa natitirang mga taon nito, isa rin itong magiging paalala na muling nasayang ang mga boto ng mga mamamayan. 

Nasayang ang mga panahon na dapat sana ay nakalaan sa pag-unlad. Nasayang muli ang anim na taon ng ating kasaysayan. 
Nasanay tayo mismo sa kaunti, sa kaawa-awa, sa limos. Baka sa sobrang tagal ng gutom, nalimutan na natin ang lasa ng hustisya. Hindi lang pamahalaan ang kailangang gumising. Tayong lahat. Dahil kung patuloy tayong pipikit, paulit-ulit tayong pakakainin ng kasaysayang pilit nating kinakalimutan. 

Hindi mumo ang pagbabago. Hindi mumo ang pamumuno. At hindi mumo ang kakailanganin upang mapakain ang isang bayang gutom na gutom sa hustisya, dangal, at tunay na reporma.

Hanggang kailan tayo kakain ng mumo, kung ang karapat-dapat para sa atin ay isang piging?

ABOUT THE AUTHOR

ThePILLARS Publication

Managing Writer

For a freer campus press!

NEWSLETTER

Stay connected with the latest stories from our publication, where we deliver thought-provoking insights, fearless journalism, and creative expressions from the Atenean community. Join us in our mission to inform, inspire, and empower, as we guide readers toward a more enlightened and compassionate future.

LATEST ARTICLES