Hindi makakalimot ang pilit na ikinukubling bakas ng kahapon.
Tila isang kisapmata ang lahat. Mula sa mapangahas na rebolusyon sa lansangan ng Maynila, hanggang sa muling pagbalik sa kapangyarihan ng pamilyang noon ay itinakwil na ng Pilipinong masa.
Tatlumpu't walong taon — mahigit tatlong dekada man ang lumipas, mananatiling lamat ng nakaraan ang rebolusyong naganap noong 25 Pebrero ng taong 1986. Isang rebolusyong nagtuldok sa mahigit siyam na taong pagdurusa ng mga Pilipino sa kamay ng diktador. Sa gitna ng naglalakihang tangke ng militar, mga sasakyang panghimpapawid na handang sumalakay, at ang libo-libong militar na inutusang pagsilbihan ang poon ng diktadurya — isang mapayapang pag-aalsa ang umusbong sa kalsada ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA).
Sa loob ng apat na araw na pakikibaka sa EDSA, sandata ng bawat Pilipino ang kanilang adhikaing patalsikin ang rehimeng kumitil sa demokrasya ng bansa. Ang pamahalaang pilit na binabaluktot ang tama. Daan-daang paglabag sa karapatang pantao at maging ang lantarang pandaraya noong Snap Election 1986 ng nakaupong pinuno ay ilan lamang sa pagdurusang kinasadlakan ng sambayanang Pilipino. Kung kaya’t ang kanilang pagkapit-bisig noong panahon ng Rebolusyon sa EDSA ay taong-taong binibigyang pagkilala. Ito ay bilang pag-alala sa kadakilaang inihandog ng mga Pilipinong pinaglaban ang karapatan at kalayaang ninakaw sa ating bansa.
Ang taon-taong pagbibigay pugay sa makasaysayang Rebolusyon sa EDSA ay isinasagawa ng mga nagdaang pangulo ng bansa — ngunit HINDI NGAYON.
Walang pag-alalang magaganap sa ilalim ng Proclamation No. 368 na ipinalabas ng kasalukuyang pangulo kung saan masasalamin ang mga araw sa kalendaryo na maituturing na “holidays.” Isang mapait na proklamasyon para sa mga taong buong tapang ipinaglaban ang ating bansa laban sa mapang-abusong pamamahala ng isang diktador — ang ama ng kasalukuyang pangulo ng ating bansa.
Sa kabila ng unti-unting pagkabura nito sa ating kalendaryo, nawa’y hindi mabura ng proklamasyong ito ang simbolong iniwan ng EDSA Revolution. Ang pamahalaan, gaano man ito kataas, ay walang taglay na kapangyarihang dayain at takutin ang sambayanang Pilipino. Patuloy nating ipaglaban ang nasimulang adhikain sa lansangan ng EDSA; demokrasya ang mananaig sa bansa.
Hindi na muling pasisiil.
source Sources
- https://www.officialgazette.gov.ph/edsa/the-ph-protest/?fbclid=IwY2xjawJ3nMpleHRuA2FlbQIxMABicmlkETFDaGFKeGcxWURqallSdXN1AR6Ab-mreifh3LjqYZgUNnADaIr0nkSHgs4YduaXnKwHFk0ehHEIio981mjuPw_aem_bk7eHJHyLpAJ77Lsh8OfiA
- https://www.officialgazette.gov.ph/featured/declaration-of-martial-law/?fbclid=IwY2xjawJ3nNJleHRuA2FlbQIxMABicmlkETFDaGFKeGcxWURqallSdXN1AR6WQIO9NV_rvWqxAbTFmP-3GLj5wXQ8yTLixGAFfPLJehVL9ryT6TgPTF2Szw_aem_0jnVclsn6wRx9JGRnSw_tg
- https://www.amnesty.org.ph/2022/07/protestph-edsa-revolution/?fbclid=IwY2xjawJ3nNlleHRuA2FlbQIxMABicmlkETFDaGFKeGcxWURqallSdXN1AR6Jf4ZLjRFWJSFeNULB_SVCpRIfxWhIO_sbGSEiWFN-btKx0tYySt8BmLfIVQ_aem_KMdKKApfPUHC3o9RNvc0Gg
- https://pco.gov.ph/news_releases/regular-holidays-special-non-working-days-for-2024-bared/?fbclid=IwY2xjawJ3nOBleHRuA2FlbQIxMABicmlkETFDaGFKeGcxWURqallSdXN1AR6Ab-mreifh3LjqYZgUNnADaIr0nkSHgs4YduaXnKwHFk0ehHEIio981mjuPw_aem_bk7eHJHyLpAJ77Lsh8OfiA
- https://thebulwaganfoundation.wordpress.com/2011/03/13/bayan-ko/?fbclid=IwY2xjawJ3nOxleHRuA2FlbQIxMABicmlkETFDaGFKeGcxWURqallSdXN1AR5EQRePZLe48XUUQGbFO-XdC5IlkvSnW2mofHRPTdeLZrphOczxsqNppKD9yQ_aem_xLavt1j70Euu2KxHTvfreA
person ABOUT THE AUTHOR
Jaica May Barrogo
Associate Managing Editor
Jaica is the current Associate Managing Editor, and a member since '23.
newspaper NEWSLETTER
Stay connected with the latest stories from our publication, where we deliver thought-provoking insights, fearless journalism, and creative expressions from the Atenean community. Join us in our mission to inform, inspire, and empower, as we guide readers toward a more enlightened and compassionate future.
announcement LATEST ARTICLES