By Francine Irish Raña • November 23, 2024

Labing-limang na taon mula nang pagkasawi ni Momay, marami pa rin ang tulad niya’y hindi namamahinga nang payapa. Patuloy na nagpupumiglas sa pag-abot ng kislap ng hustisya.

Ilang dangkal ng lupa ang kailangang bungkalin, mahabang taon ang bibilangin, subalit dignidad nila’y walang tigil na nayuyurakan sapagkat walang katarungan ang nakamit.


Si Reynaldo “Bebot” Momay ay isa lamang sa 58 buhay na pinaslang mula nang mangyari ang isa sa pinakamaharas na pag-atake para sa mga mamamahayag sa bansa. Ika-23 ng Nobyembre 2009— ito na ang sandali kung kailan kinuha ni Momay ang huling ritrato sa kaniyang kamera na tiyak sana’y may larawan ng kaniyang sinapit mula sa kamay ng mga warlord—ang Ampatuan Clan.


Sa Ampatuan Massacre na naganap sa nakasaad na petsa, 58 na pamilya ang nagluksa’t naiwan. Subalit hanggang sa kasalukuyan, may isang pamilya pa ring napag-iwanan sa pagdadalamhati, hindi makausad at patuloy na lumilingap na nawa’y mahanap at madampot man lamang ang bangkay ng kanilang yumaong mahal sa buhay—at siya’y si Momay, isang photojournalist sa isang lokal na pahayagan.


Ayon sa hatol na idineklara ng Quezon City Regional Trial Court noong 2019, sa pamumuno ni Judge Jocelyn Solis Reyes na siyang inatasan sa pag-uusig ng kaso, 57 lamang ang opisyal na bilang ng mga biktima ng karumal-dumal na trahedya—kung kaya’t ang pamilya lamang ng 57 na ito ang nagawaran ng bayad-pinsala habang ang pamilya ni Momay ay tila ang tanging tumatangis sa lilim ng singaw ng dahis at humihibik sa kaniyang hindi makitang labi sa hukay na may 12 talampakan ang lalim.


Sa 58 total na bilang ng death toll, 32 ay pawang mamamahayag na walang kawalang humarap sa peligrong nakatali sa saklaw ng kanilang trabaho. At ito ay dahil sa lakas-pwersa ng isang angkan na bumuo ng pulutong na may humigit-kumulang 197 akusadong myembro para lamang isagawa ang madilim na plano ng kanilang pamumuno. Sa bilang na ito, 8 ang tinukoy na pangunahing suspek na siyang kinabibilangan ng patriarch na si Andal Ampatuan Sr.—ang noo’y gobernador ng Maguindanao, Andal Ampatuan Jr.—ang kalaban sa pagka-bise-alkalde ni Esmael “Toto” Mangundadato na siyang pangunahing target ng krimen, at ang isa pang anak na si Zaldy Ampatuan. Bagaman nasentensyahan ng habang buhay na pagkakabilanggo ang tatlo, hindi na inabot ng matandang Ampatuan ang hatol habang ang isa pang anak na si Sajid Ampatuan ay abswelto sapagkat hindi naman ‘daw’ bumitaw ng salita ang nakakabatang Ampatuan sa mga pagpupulong na ginanap bago ang naturang pagliligpit.


Ang paglilitis ng dekada’y naglimbag ng mahigit 700 pahina ng paghuhukom na siyang nagsiyasat sa sakdal na nakapatong sa 117 na arestado, kung saan ang bigat ng sakdal ay inalis mula sa malaking bahagdan ng bilang at sila’y myembro umano ng pulisya. Isang daan at siyam na pu’t pito (197) ang pinaratangan, 117 ang inaresto, 11 ang naabswelto dahil sa pyansa, 6 namatay habang nasa detensyon at 80 ang nanatilihing at large o libreng nakakawala. Ang laki ng hukbong ito’y nagpapatunay sa bigat ng kamay ng Ampatuan sa rehiyon, at ito’y bahagya lamang na kinalawang sapagkat umaangat muli sa pamamayagpag sa herarkiya ng politika ang napalayang nakakabataang Ampatuan na si Sajid kasama ang ilan pang myembro ng kanilang angkan.


Ang pangyayaring ito sa kasaysayan ay gumuhit ng isa sa pinakamalaking dungis sa kaligtasan na dapat mayroon sa peryodismo at hindi ito nagtatapos sa huling tuldok ng manuskrito. Ito ay patuloy na hinuhugis, nagmamantsa at nasasalamin sa kontemporyayong konteksto ng pamamahayag— kung saan ang tinta ay tila isang dugong dumadanak mula sa itinayang buhay ng mga peryodista.


Hindi malabo na ilan sa 32 mamamahayag na nadawit sa malagim na massacre ay nagsapit gayundin ng isa pang uri ng torture batay sa testimonya ng mga testigo: ang sexual assault. Ang pinakamadilim pa; Sila’y maaring binaril sa mismong ari.

Sa kasalukuyan, sa ibang porma namumutawi ang pahirap na ibinibigay sa mga indibidwal ng midya’t pahayagan.  Ito’y nakikita sa walang habas na pagsupil sa malayang pamamahayag gamit ang galamay at batas upang itigil ang operasyon ng midya’t peryodiko. Kabilang ang mga pamantasan sa nagiging palasak ng red-tagging na tumuturo sa mga mag-aaral bilang mga kalaban ng bayan. Ang mga manunulat ay pinaparatangan ng mga kaso’t binibilanggo ayon sa huwad na saligan. Pinipilit ang mga target na indibidwal na iproklamang sila’y kasapi ng rebeldeng kalipunan— at kung hindi’y sila’y pagmamalupitan ngunit sikolohikal na aspeto’t pamamaraan na pati pamilya’y sangkot sa girian. Subalit ang ‘di hamak na lubhang malala—ang pagkitil ng buhay ng mga mamamahayag kahit sa ilalim ng maaraw na sinag habang sila’y nagtatalastas ng balita.


Ang lahat ng ito’y pagdungis sa mukha ng demokrasiya, pagsipsip sa dugo ng isang buhay malaya.  Hindi kinikilala ang papel ng midya’t pahayagan—at marami ang ginawang dagat-lagusan upang tugisin ang lahat nang humahamon sa pamamalakad ng pamahalaan sa ngalan ng pag-aalaga sa upuang nakadikit sa mga pangalan ng mga naghahari-harian. 


Marami ang nagkasala sa bayan ngunit patuloy na malaya, umaarangkada sa karera ng politika bagaman binabalot ng dugo ang umano’y “bakal na kamay” nila. Walang kapatawarang hiningi. Walang pagkilala. Wala ni katiting na pagdadalang-sisi. Pawang pagpaubaya na lamang sa nagpaparam na panahon, kasama ng mga panatikong bulag at makinarya, upang matakluban kagaya ng suklob ng lupa ang mga kabuhungang nagsadlak sa mga tagapaglaban ng malayang pamamahayag.

Isa. Dalawa. Tatlo. Panigurado’y mangangalay ang kamay kung bibilangin niyo. Ngunit ang totoo, hindi lamang nag-iisa si Momay. Marami sila—silang binaon sa limot ng hustisya, silang sumapo ng mapait na kalagayan mula sa mga alagad ng batas at mga lider sa ilalim ng isang imoral na pamamahala.


Ang pamilya ni Momay ay hindi nakatanggap ng indemnisasyon lalong-lalo na ng ginhawa gayong ang kaniyang pagkakakilanlan ay nanatiling nasa suksukan ng mga lupa at ang sigaw ng katarungan ay patuloy na naiimpit. Ang hatol, bagaman maliwanag na biyaya para sa pamilya ng 57 nasawi, ay isang tanda ng makupad na reweda ng hustisya na siyang nagpapalawig ng impunity o kung hindi naman ay nagpapagana rito.


Hatol at katarungan—ito’y isang palumpon ng bulaklak na alay sa yumao. Subalit higit sa pagiging ornamento sa puntod ng nakalatay, ito’y hele sa naiwan at nagluluksa—na nagpapaginhawa sa wakas sa kanilang mabigat na pagtulog. At hindi lamang si Momay at ang kaniyang pamilya ang pinagkaitan nito.


ABOUT THE AUTHOR

Francine Irish Raña

Feature Editor

Francine Irish is the current Interim Feature Editor of ThePILLARS Publication.

NEWSLETTER

Stay connected with the latest stories from our publication, where we deliver thought-provoking insights, fearless journalism, and creative expressions from the Atenean community. Join us in our mission to inform, inspire, and empower, as we guide readers toward a more enlightened and compassionate future.

LATEST ARTICLES