Mahigit isang siglo matapos ang kolonyalismo, nananatiling Ingles ang pangunahing wika ng kapangyarihan sa Pilipinas. Ang mga batas, kontrata, memorandum, at maging ang maraming serbisyo ng pamahalaan ay higit na nakasandig dito. Samantala, ang Filipino—na kinikilala ng 1987 Konstitusyon bilang pambansang wika—ay madalas na naaalala lamang tuwing Buwan ng Wika.
Bunga ito ng isang lipunang matagal nang overly romanticized ang wikang Ingles. Ginawa na natin itong sukatan ng katalinuhan, kredibilidad, at pagiging “disente.” Kapag matatas kang mag-Ingles, madali kang ituring na edukado. Kapag hindi, mabilis kang mapagkamalang mangmang o walang pinag-aralan.
Sa bansang hindi pantay ang akses sa dekalidad na edukasyon, ang ganitong pagtingin ay lalo lamang nagpapalalim sa agwat ng mga uri. Ang kakayahang magsalita ng Ingles ay nagiging pribilehiyong mas madaling makuha ng mga may akses sa magagandang paaralan, habang ang mga manggagawa at kabataang mula sa laylayan ay nahaharang sa mga oportunidad hindi dahil kulang sila sa kakayahan, kundi dahil kulang sila sa wikang pinapaboran ng sistema.
Hindi na mabilang ang mga trabahong naghahanap ng “excellent English communication skills” kahit hindi naman ito kinakailangan sa aktuwal na tungkulin. Sa halip na kakayahan ang sinusukat, mas inuuna ang accent, grammar, at fluency. Sa ganitong sistema, ang wika ay hindi na lamang midyum ng komunikasyon—isa na itong salaan ng uri.
Mahalaga ang Ingles bilang pandaigdigang lingua franca. Hindi ito dapat talikuran. Sa katunayan, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na English proficiency sa Asya. Ngunit kung ang Ingles ang sukatan ng pag-unlad, bakit nananatiling mas maunlad ang mga bansang gaya ng Japan, South Korea, at China kahit hindi sila kabilang sa may pinakamataas na English proficiency?
Usapin ito ng isang kolonyal na pag-iisip na patuloy na naglalagay sa wikang banyaga sa pedestal habang ang sariling wika ay itinuturing na pangalawa. Habang nananatiling tiket sa trabaho, kredibilidad, at panlipunang pag-angat ang Ingles, mananatiling may mga Pilipinong napag-iiwanan dahil ipinanganak silang malayo sa mga oportunidad na itinakda ng sistema.
Higit sa Filipino o Ingles, ang tunay na wika ng sambayanan ay ang panaghoy para sa isang sistemang nakaugat sa realidad ng Pilipino—hindi sa mga salitang iniangkat at patuloy na itinataas ng imperyalismong Amerikano.




