May kakaibang kalupitan ang isang lungsod na marunong gumuhit ng pedestrian lane ngunit hindi marunong magpatigil ng sasakyan. Sa Naga City, sa Camarines Sur, tila kailangang makiusap muna sa mga motorista bago makatawid sa kalsadang para naman talaga sa lahat. Kailangan pang itaas ang kamay na bukas-palad na tila humihingi ng limang segundong pahintulot sa mga sasakyang pagbigyan ang pakiusap na makadaan sa kabilang dayo ng kalsada.
At kung mamalasin, maaaring ang simpleng pag-uwi mula sa trabaho o paglalakad sa kabilang kanto ang maging huling biyahe ng isang tao.
Dalawang buhay ang nawala sa magkahiwalay na insidente ng pagkakabangga sa pedestrian lane nitong Setyembre at Oktubre. Noong 20 Setyembre, nasawi ang gurong si Jao Francis Per Mancera sa M.T. Villanueva Avenue. Sinundan ito ng pagkamatay ng 82-anyos na si Myrna Guaves noong 5 Oktubre sa Maharlika Highway. Pareho silang tumatawid sa lugar na sadyang inilaan para sa mga naglalakad. Ilang sunod-sunod na magmakaparehong kaso ang maka-ilang beses nangyari sa magkakahiwalay na kalsada sa Naga City. At ang mas mabigat na balita rito, ang pinaka agrabyado ay ang mga taong mas maliit lang na porsiyon ng lansangan ang okupado.
Kung may mas malinaw pang paraan upang ipakita ang kabalintunaan ng ating mga lansangan, marahil ay wala na. Sapagkat anong silbi ng pedestrian lane kung sa loob mismo nito ay kailangang mangamba ang tao sa paparating na sasakyan?
Hindi bago ang banggaan ng mga motorista at pedestrian. Marahil, naging bahagi na ito ng pang-araw-araw na kaguluhan sa mga lansangan ng Naga. Ang nakababahala ay kung gaano na tayo nasanay rito.
Sa bawat insidente, halos pareho ang naririnig: mag-ingat sa pagtawid, maging disiplinado sa pagmamaneho, sumunod sa batas-trapiko. Pagkatapos, magpapatuloy ang lahat na para bang sapat nang lunas ang paulit-ulit na paalala sa isang problemang matagal nang nangangailangan ng mas seryosong tugon.
Ngunit hanggang saan aabot ang payong pag-iingat kung kahit ang mismong lugar na dapat ay ligtas na binabagtas ng mamamayan ay hindi rin matagpuan? Nasaan nga ba ang mga tunay na lakaran?
Sa maraming bahagi ng Naga, tila naging opsyonal na lamang ang bangketa. May mga lansangang halos wala nang espasyong inilaan para sa pedestrian. Kung mayroon man, madalas itong okupado ng kariton ng tindero, nakaparadang motorsiklo o sasakyan, at kung anu-ano pang bagay na nagiging dahilan upang mapilitang bumaba sa mismong kalsada ang mga naglalakad. Nakapagtatakang sa isang lungsod na patuloy na nagpapalawak ng mga daanan, ang espasyo para sa dalawang paa ay tila laging nauubos.
Hindi dapat maging normal na kailangang makipagsiksikan ng pedestrian sa mga umaandar na sasakyan dahil wala nang madaanan sa bangketa. Hindi rin makatarungang isisi lamang ito sa mga maliliit na nagtitinda na naghahanapbuhay sa gilid ng kalsada.
May mas malawak na suliranin sa pamamahala ng pampublikong espasyo, kung saan ang kabuhayan, paradahan, at kaligtasan ng pedestrian ay hinahayaang mag-agawan sa iisang makitid na lugar.
Ngunit nakapagtatakang sa tuwing may banggaan, tila kailangang muling pagtalunan kung may karapatan nga bang tumawid ang isang tao sa mismong tawirang inilaan para sa kaniya.
Palaging tumatakbo ang debate kung nag-ingat ba ang indibidwal sa pagtawid o kung siya ba ay naging mapagmasid sa mga sasakyang nagkakarerahan sa daan. Subalit hindi nailalatag sa diskurso kung anong klaseng interbensyon o makataong polisiya ang itinatatag ng gobyerno sa lubak-lubak na isyung ito.
Ang pedestrian lane ay hindi palamuti sa aspalto.
May dahilan kung bakit naroon ang mga guhit, at hindi dapat nakasalalay sa kabutihang-loob ng isang drayber ang pagsunod sa mga ito.
At hindi ito usapin ng disiplina lamang. Usapin din ito ng kung paano dinisenyo ang mga kalsada, kung sino ang binibigyan ng prayoridad, at kung gaano kaseryoso ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga patakarang matagal nang umiiral. Maaaring magpinta ng sampung pedestrian lane sa isang lansangan, ngunit kung patuloy na nakahihikayat ng mabilis na pagmamaneho ang disenyo nito at walang sapat na proteksiyon sa tumatawid, sampung pagkakataon lamang iyon upang muling subukin ang kapalaran ng mga naglalakad. Gayundin, walang saysay ang isang bangketang maganda sa plano ngunit hindi naman madaanan sa aktuwal.
Hindi pag-aari ng mga motorista ang lansangan. Hindi rin pribilehiyong ipinagkakaloob lamang sa mga pedestrian ang makatawid at makapaglakad nang ligtas. Ang kalsada ay pampublikong espasyo, at ang karapatan dito ay hindi nasusukat sa dami ng gulong na dala ng isang tao.
Sa pedestrian lane, ang tao ang dapat pagbigyan. Sa bangketa, ang tao ang dapat makadaan. Kung kailangan pa itong ipaglaban, malinaw kung gaano kalayo ang kailangang lakarin ng Naga tungo sa kaunlarang ipinagmamalaki nito.







