HABANG PUMAPAGASPAS ang tela ng bandila sa hangin, tila may isang tanong na hindi kailanman nais sagutin ng republika: malaya nga ba ang sambayanan, o malaya lamang ang mga may kapangyarihang umiwas sa pananagutan?
Mahigit isang siglo na ang nakalipas mula nang ideklara ng Pilipinas ang kalayaan mula sa mga dayuhang mananakop. Ngunit sa ika-21 siglo, nananatiling buhay ang kolonyalismo sa mga anyong higit na mailap kaysa sa mga kanyon at barkong minsang dumaong sa ating mga baybayin. Hindi lamang mga banyagang kapangyarihan ang nagpapatuloy sa mga estrukturang ito, kundi maging ang mga lokal na naghaharing-uri na nagsisilbing katuwang sa pagpapanatili ng isang pandaigdigang sistemang nakikinabang sa kahirapan, pagdepende, at hindi pagkakapantay-pantay. Hindi lang espada ang kanilang sandata kundi impluwensiya. Hindi na lantad na pananakop ang umiiral kundi mga polisiyang nagsisilbi sa iilan, mga institusyong kumakalinga sa pribilehiyo, at isang kulturang nagpapahintulot sa impunidad na manatiling nakaluklok sa kapangyarihan.
Habang ang ordinaryong mamamayan ay kinakabahang baka hindi makabayad ng upa, baka mawalan ng trabaho, o baka hindi makapasok sa paaralan dahil sa kahirapan, may mga makapangyarihang personalidad na tila kayang gawing palaisipan ang mismong batas. Kapag ang karaniwang tao ay inakusahan, mabilis ang warrant, mabilis ang kulungan, mabilis ang paghusga. Ngunit kapag ang pangalan ay nakaukit sa marmol ng kapangyarihan, biglang bumabagal ang hustisya. Biglang nagiging komplikado ang batas. Biglang nagiging usapin ng pulitika ang pananagutan.
Sa gitna ng paggunita sa Araw ng Kalayaan ngayong taon, nasaan ba si Senador Ronald “Bato” dela Rosa? Hindi ba't hinaharap niya ang isang arrest warrant mula sa International Criminal Court? Habang hinahanap siya ng mga awtoridad, mas lalong umalingawngaw ang tanong: kung ang batas ay para sa lahat, bakit tila may mga taong kayang lumusot sa mga pagitan nito?
Samantala, sa Senado—ang institusyong inaasahang magsilbing bantay ng demokrasya—patuloy na umiikot ang bansa sa mga usapin ng impeachment, alyansa, at tunggaliang pampolitika. Ang mga sesyon na dapat sana’y nakatuon sa kapakanan ng mamamayan ay madalas natatabunan ng mga bangayang pulitikal na wari’y mas nakasentro sa paghawak ng kapangyarihan kaysa sa paglutas ng gutom, kahirapan, at kawalan ng trabaho. Ang impeachment proceedings laban kay Bise Presidente Sara Duterte ay naging isa na namang yugto ng malalim na hidwaang pampulitika na naghahati sa mga institusyon ng estado.
At marahil dito matatagpuan ang pinakamapait na kabalintunaan ng Araw ng Kalayaan.
Malaya tayong magdiwang ngunit hindi malayang mabuhay nang may katiyakan. Malaya tayong bumoto ngunit hindi malayang makasiguro na ang mga ihahalal ay mananagot sa kanilang mga pangako. Malaya tayong mangarap ngunit nananatiling bihag ng sistemang paulit-ulit na pinapaboran ang mga nasa tuktok.
Sa bawat pagwagayway ng watawat ngayong Hunyo, hindi lamang mga bayani ng nakaraan ang dapat nating alalahanin. Dapat din nating tanungin kung ano ang naging kapalit ng kanilang mga sakripisyo. Sapagkat walang saysay ang kalayaan kung ang batas ay nagiging mahina sa harap ng makapangyarihan at mabagsik lamang sa mahihina.
Sapagkat sa bansang ito, tila ang tunay na malaya ay ang may kakayahang takasan ang pananagutan, baguhin ang kahulugan ng batas, at gawing hagdan ang kapangyarihan para manatiling nasa itaas. Samantalang ang karaniwang Pilipino, na nagbabayad ng buwis, bumubuo sa ekonomiya, at bumubuhay sa republika, ay nananatiling bihag ng mga pangakong matagal nang winagayway kasama ng watawat ngunit hindi kailanman ganap na ibinaba sa lupa ng realidad.
At kung ganoon, marahil ang tanong ngayong Araw ng Kalayaan ay hindi kung malaya na ba ang Pilipinas.
Kundi kung sino lamang ang tunay na malaya.




