Kung tatanungin natin ang ating mga ina kung paano sila magmahal, tiyak isa sa isasagot ng karamihan ay kung paano nila tayo alagaan. Maaaring kaakibat nito ay ang mga kwento kung paano sila nagsasakripisyo, naghahanap-buhay, o kaya naman ay kung paano nila itinataguyod ang mga pang-araw-araw na gawain sa bahay para mapalaki tayo nang maayos at may pagmamahal.
Ngunit kung si Narra ang tatanungin, marahil iba ang isasagot niya.
Ang teatrong Bikolnon na Mama, Mama, Papano ka Mamuya?! ay nagbigay ng mas maliwanag na perspektibo sa opsyong madalas hindi napipili ng mga kababaihan. Partikular dahil sa mga pamantayan ng lipunan sa buhay, tungkulin, at kapalaran nilang tila nakaukit na sa lapidang ibinaba mula sa bundok ng Sinai.
Sa teatrong ito, tampok si Narra—isang babae na nakakulong sa natatanging dalawang opsyong inihain ng sansinukob para sa kaniya: itutuloy niya ba ang plano nilang magkaanak o hindi? Kasama niya sa paglalakbay na ito ang kaniyang asawa na si Joseph, at ang mga anak niyang hindi pa man isinisilang, inilalantad na ang maaari niyang maging kapalaran.
Ang Patriyarkiya
Paulit-ulit na binabanggit ni Narra ang mga katagang “Paano naman ang pangarap kong makapunta sa New Zealand at maging nurse?” Kung itutuloy niya ang noong plano nilang magkaroon ng anak, saan niya ngayon ilalagay ang prayoridad niya?
Sa katanungang ito ni Narra, matatag ang sagot ng asawa niyang si Joseph; siya na raw muna ang magtatrabaho sa ibang bansa habang inaalagaan ni Narra ang mga anak nila sa Pilipinas. Salamin ang mga katagang ito ng mga pamantayang iniatas ng lipunan: ang mga mga babae ay dapat nasa loob ng tahanan—gumagawa ng mga gawaing-bahay at nag-aalaga ng mga supling nila. Habang sa kabilang banda'y nagpapakapagod ang mga kalalakihan sa kanilang trabaho para punan ang pinansyal na pangangailangan ng pamilya.
Ngunit kapag nagsisimula nang ipaglaban ng kababaihan ang kanilang kalayaan sa pagpili, sagot palagi sa katagang “Ayaw ko pa magkaanak” ay palaging “Bakit?” Tila ba ang pag-ayaw ay hindi sapat na rason kung kaya't paulit-ulit na iwinawasiwas sa konsensya ng mga kababaihan na iyon ang dapat niyang maging huling tungkulin.
Dahil sa lipunang tahasang sinasamba ang patriarkiya, paunti-unting kinikitil ang karapatan ng kababaihan sa kanilang awtonomiya. Kagaya na lamang ng pagpupumilit ni Joseph na magkaroon sila ng anak upang makapagsimula na sila ng mumunting pamilya na kaniyang inaasam. Ito'y tila isang kabalintunaan para sa isang babae na matayog ang pangarap sa buhay. Isang pagyurok sa karapatan niyang magdesisyon para sa sarili niyang katawan at kinabukasan nang may lubos na kalayaan.
Pagbasag sa mga Pamantayan
Sa pagprogreso ng kuwento, sinubukan ni Joseph na buksan ang kaniyang isipan at sa wakas ay sinuportahan niya si Narra sa desisyon nitong huwag munang magkaroon ng anak. Ipinapakita nito ang kahalagahan ng pagsuporta sa awtonomiya ng mga kababaihan na siyang mag-aako ng mas mabigat na gampanin at responsibilidad.
Hindi lamang ito isang pagtanggap, kundi isang obligasyon na dapat panindigan na walang pag-aalinlangan.
Sa huli, napagtanto ng mag-asawa na hindi nagdadalang-tao si Narra matapos ang pagsusuri na ginawa sa kaniya. Subalit, paano kung nag-iba ang ihip ng hangin?
Awtonomiya
Sa kuwento, hindi kailanman nabanggit ang salitang abortion.
Kung taliwas ang nahanap na resulta sa pagsusuring ginawa kay Narra, may ibang opsyon pa ba siya maliban sa pagdala sa kanilang supling?
Marahil ay wala na.
Bagama't hindi nabanggit ang abortion sa dula, sinasalamin pa rin nito ang mga suliranin na kinakaharap ng maraming kababaihang hindi pa handa na maging ina.
Sa Pilipinas, nananatiling ilegal ang abortion dahil sa impluwensya ng sistema na humubog sa pananaw ng publiko. Ang ilegalisasyon nito ay nakaugat sa 1987 Constitution, Article II, Section 12 at itinuturing din itong krimen sa Revised Penal Code of the Philippines, Articles 256-259, na espisipikong ipinagbabawal ang Infanticide at Abortion.
Ayon sa estadistika, mula 2015 hanggang 2019, nasa 973,000 abortion ang isinagawa mula sa 1,930,000 na hindi planadong pagbubuntis. Ilegal ang pagpapalaglag sa Pilipinas subalit mahigit kalahating porsyento ng bilang ang piniling sumailalim sa ilegal na prosesong ito.
Tila ang mga kababaihan ay nakakulong sa isang malaking mansyon na isang pintuan lang ang maaaring buksan. Kung ang sistema ang pumipigil sa kanilang pag-alpas—nasaan ang tunay na awtonomiya?
At marahil kung ganap nang legal ang abortion sa Pilipinas, hindi na mangangamba pa si Narra na piliin ang sarili niya.
Sa mga Mama, Mama
Pinatunayan ng dula ang mga paghihirap na ginagawa ng mga nanay para sa kanilang mga anak. Katulad ni Narra kung pipiliin niyang magkaanak, isasakripisyo niya ang pangarap niyang magtrabaho sa ibang bansa para maging isang nurse at matamasa ang mala-Korean Drama niyang buhay kasama si Joseph.
Hindi rin biro maging isang ina; isa itong tungkuling wala sinuman ang lubusang handa subalit matapang itong hinaharap ng mga kababaihan.
Binigyang-diin ni Helena Francine Ebio, ang manunulat ng dula, na dapat lamang pahalagahan ang ating mga ina dahil isang malaking desisyon ang pinili nilang gampanin.
Do appreciate the women in your life, especially your mother. Before maging ina sinda, saro sindang babae na may pangarap.
Marahil may mga gusto rin na maging mama subalit dahil sa mga aspeto tulad ng pinansyal, politikal, at patuloy na pagtaas ng mga bilihin, mas pinipili nilang huwag muna. Dahil sa mundo at ekonomiyang kinagagalawan ng mga tao, isang pribileheyo ang magkaroon ng kakayahan na piliin ito.
Salamin ng Reyalidad
Salamin si Narra ng mga kababaihan na hindi nabibigyan ng malawak na opsyon sa kanilang buhay. Representasyon siya ng mga babae na may malawak na pangarap at hangarin na hindi nabibigyang-pansin dahil hinubog na ng lipunan ang kanilang gampanin.
Ang pagpili ni Narra sa kaniyang pangarap na maging nurse ay hindi pagiging makasarili. Binigyan niya ng linaw ang mga manunood na kahit limitado ang mga maaring maging desisyon, maaari pa rin pumili.
“Maging ina ka man o dai, parehas man yan may give and take. Mayong kakulangan o kalabisan sa sarong choice kun ano man ang preference mo bilang sarong babae,” pahayag ni Ms. Ebio.
Ang mga kababaihan ay hindi lamang hinubog ng Poong Maykapal upang maging sisidlan ng panibagong henerasyon. Hindi kailanman nakakabawas sa pagkababae ang pagpili na tuparin muna ang kaniyang mga pangarap sa buhay. Higit sa lahat, hindi lamang pagiging ilaw ng tahanan ang natatanging tungkulin ng mga kababaihan; malaya siyang pumili ng kahit anumang daan na gusto niyang tahakin sa buhay.
At kung si Narra ang tatanungin kung paano siya magmahal bilang mama, ang isasagot niya ay ang linyang binitawan niya sa dulo ng dula: “Sa ngayon, si mama muna.”

