Limampu't walo. Hindi lamang bilang ng mga nasawi, kundi limampu't walong buhay na may pangalan, pamilya, pangarap, at kinabukasang ninakaw ng karahasan. Sa likod ng numerong ito ay isang sugat na hindi kayang paghilumin ng panahon.
Masipag. Mapagmahal. Malambing. Ganiyan kilala ng pamilya si Reynaldo “Bebot” Momay. Isang ama, asawa, at photojournalist ng Midland Review na tulad ng marami ay may simpleng pangarap: makapagtrabaho, makauwi, at makapiling ang kaniyang pamilya. NGunit noong Nobyembre 23, 2009, ang kaniyang karaniwang paghahanapbuhay ay nauwi sa isang pagkawala na hanggang ngayon ay walang ganap na kasagutan.
Si Bebot ang kinikilalang ika-58 na biktima ng Maguindanao Massacre, na mas kilala rin bilang Ampatuan Massacre. Sa araw na iyon, 58 katao ang naging biktima ng karahasang yumanig sa bansa, kabilang ang mga mamamahayag na naghahatid sana ng katotohanan sa publiko. Kabilang sa kanila ang mga taong may sariling kuwento, mga pamilyang naghihintay, at mga pangarap na hindi na nabigyan ng pagkakataong matupad.
Maglalabingpitong na taon na ang lumipas, ngunit para sa pamilya ni Bebot, hindi kailanman naging lumang balita ang kaniyang pagkawala. Wala silang mga labi na maiuuwi. Wala silang puntod na mapupuntahan. Sa halip, mayroon silang mga alaala at isang laban na hindi pa rin natatapos at iyon ang makamit ang pagkilala sa kaniya bilang ika-58 na biktima.
Ito ang mabigat na kuwentong isinasalaysay ng 58th, isang animated biographical drama sa direksiyon ni Carl Joseph Papa. Sa pamamagitan ng animasyon at mga personal na alaala, inilalapit ng pelikula ang manonood sa buhay ni Bebot at sa patuloy na paghahanap ng kaniyang anak na si Ma. Reynafe “Nenen” Momay-Castillo. Hindi nito hinahayaang manatili sa mga pahina ng kasaysayan ang isang trahedyang madalas na naaalala sa pamamagitan lamang ng mga bilang. Ipinakikita nito ang mukha ng pangungulila, ang bigat ng paghihintay, at ang galit na dulot ng hustisyang hindi pa ganap na nakakamit.
Sapagkat ano nga ba ang ibig sabihin ng 58? Limampu't walong taong may mga pangalang minsang tinawag nang buong pagmamahal. Limampu't walong buhay na may mga tahanang uuwian sana. Limampu't walong kinabukasang hindi na nasaksihan. At sa bawat bilang, may pamilyang kailangang mamuhay sa kawalan, may mga anak na magtatanong kung bakit, at may mga mahal sa buhay na hindi man lamang nabigyan ng pagkakataong magpaalam.
Mas masakit isipin na ang ilan sa mga biktima ay mga mamamahayag na ang tungkulin ay ilantad ang katotohanan. Pinatay ang mga taong may dalang kamera, panulat, at hangaring maghatid ng balita. Sa isang lipunang dapat kumikilala sa kalayaan sa pamamahayag, naging madugong paalala ang masaker kung gaano kalaki ang maaaring maging kapalit ng paghahanap ng katotohanan.
Ngunit hindi rito nagtatapos ang galit. Sa paglipas ng mga taon, patuloy na hinaharap ng mga naulila ang isang sistemang nangangailangan pa rin ng kanilang pagpupursige upang kilalanin ang kanilang mga mahal sa buhay. Habang may mga kasong naihatol, nananatiling masalimuot ang paghahanap ng ganap na katarungan. Sa kaso ni Bebot, hindi pa rin natatagpuan ang kaniyang mga labi, at patuloy na ipinaglalaban ng kaniyang pamilya ang pagkilala sa kaniya bilang ika-58 na biktima.
58. Isang numerong madaling bigkasin, ngunit napakabigat dalhin.
58. Mga buhay na hindi dapat naging kabayaran ng kapangyarihan at karahasan.
58. Mga pamilyang hindi dapat habambuhay na maghintay para lamang marinig ang katotohanan.
Sa bawat pagbanggit sa numerong ito, dapat maalala hindi lamang ang araw ng masaker, kundi ang mga buhay na winasak nito at ang hustisyang hanggang ngayon ay ipinaglalaban. Sapagkat hindi dapat maging pangwakas na hantungan ng mga biktima ang pagiging bahagi lamang ng isang estadistika.
At kung may isang bagay na hindi dapat mabaon sa limot, iyon ay ang katotohanang may 58 buhay na kinitil, may 58 kuwentong dapat alalahanin, at may mga pamilyang patuloy na nananawagan.
Limampu't walo sila. Hindi sila numero. Hindi sila dapat kalimutan. At hindi dapat matapos sa pag-alala ang paghahanap ng katarungan.
