Akala nila, kayang ibaon ng lupa ang katotohanan. Ang hindi nila alam, nagmamantsa ang dugo.
Noong 23 Nobyembre 2009, itinapon sa mga hukay ang mga bangkay ng mga mamamahayag, abogado, at mga sibilyan sa Sitio Masalay, Ampatuan, Maguindanao. Ginamit ang isang backhoe na pag-aari ng pamahalaan upang tangkaing ibaon ang mga katawan at sasakyan, na para bang kayang burahin ng lupa ang anumang bakas ng karumal-dumal na krimen.
Ang hindi nila alam, ang mga dugong dumanak sa mga hukay na iyon ay ang magsisilbing tinta ng mga kuwentong pilit nilang tinapos.
Sampung taon para sa hatol, labimpitong taon para sa katarungan
Isang dekada ang lumipas bago naihatid ng sistemang pangkatarungan ng Pilipinas ang unang malaking hatol sa masaker.
Noong 19 Disyembre 2019, hinatulan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 ang 28 pangunahing salarin, kabilang ang mga kilalang miyembro ng angkang Ampatuan, sa 57 bilang ng pagpatay. Labinlima pa ang nahatlan bilang mga kasabwat matapos ang krimen, isang makasaysayang tagumpay laban sa kulturang nagpapahintulot sa mga makapangyarihang makaiwas sa pananagutan.
Ngunit, sa paglapit ng ikalabimpitong anibersaryo ng masaker, nananatiling nakabinbin sa Court of Appeals ang mga apela kaugnay ng mga pangunahing hatol. Mayroon ding mga akusadong hindi pa nahaharap sa hukuman. Noong Nobyembre 2025, muling nanawagan ang Center for International Law, na kumakatawan sa mga pamilya ng biktima, na resolbahin ang matagal nang nakabinbing mga kaso at tugunan ang kanilang patuloy na paghahabol ng danyos.
At sa bawat taong lumilipas, lalong bumibigat ang paghihintay ng mga naulila.
Huling ulat ni Alejandro "Bong" Reblando
Isa sa mga pinaslang si Bong, isang mamamahayag ng Manila Bulletin na nagtungo sa Maguindanao upang iulat ang paghahain ng kandidatura ni Esmael Mangudadatu. Bago ang masaker, kabilang sa kaniyang mga huling naisulat ang balita tngko sa laban ni Manny Pacquiao. Isang araw bago siya pinaslang, nakausap pa niya ang kapwa mamamahayag na si Mike Crismundo tungkol sa sitwasyong politikal sa Maguindanao at sa kaniyang nakatakdang coverage.
At kinabukasan matapos ang pag-uusap na iyon, naging kabilang si Bong sa mga mamamahayag na hindi na natapos ang kanilang balita, at bagkus naging parte na ng pinaka maingay na balita sa bansa.
Kinabukasan ng masaker, nagtungo ang kaniyang asawang si Myrna at anak na si Jude Almyr upang kunin ang kaniyang mga labi. Sa sariling salaysay ni Myrna, halos hindi na nila makilala ang katawan ni Reblando dahil sa tinamong mga sugat.
Sa isang iglap, nawalan ng asawa si Myrna, at ng tatay ang kanilang anak. Ngunit maging ang kanilang paghahanap ng katarungan ay naging dahilan upang malagay sa panganib ang kanilang mga buhay.
Noong Mayo 2011, napilitang lumikas si Myrna at ang kaniyang anak sa Hong Kong matapos makatanggap ng mga banta habang ipinaglalaban ang kaso ng kaniyang asawa. Humingi sila ng proteksiyon sa pamamagitan ng aplikasyon para sa political asylum sa United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR). Ngunit, tinanggihan ng Hong Kong ang kahilingang ito ni Myrna, at maging ang mga itinalagang magbigay sa kaniya ng seguridad sa Pilipinas ay hindi nakapagbigay ng katiyakang ligtas ang kaniyang pamilya.
Lalo pang naging masalimuot ang kaniyang pakikibaka nang alisin ng hukuman noong 2014 ang nauna niyang testimonya sa paglilitis dahil hindi siya naiharap para sa cross-examination. Ang kaniyang paglikas para sa kaligtasan ay nagkaroon din ng epekto sa prosesong legal na kaniyang ipinaglalaban.
Nang mamatay si Bong, hindi lamang buhay ang kanilang kinitil, kundi pati ang kapanatagan ng kaniyang pamilya.
Ang katarungan, na dapat at inihahain sa pilak na plato ay naging pilak na sinulid sa gitna ng talahiban, hindi matagpuan.
Ang karahasang nabuhay matapos ang masaker
Ang malagim na nangyari sa Maguindanao ay isa ring karahasang elektoral na nag-ugat sa tunggalian para sa kapangyarihang politikal. Kasama sa konboy ang mga taong kaugnay ng paghahain ng kandidatura ni Esmael "Toto" Mangudadatu bilang gobernador ng Maguindanao, na humamon sa matagal nang pamamayani ng angkang Ampatuan. Kabilang sa mga pinaslang ang mga mamamahayag na magbabalita tungkol sa pangyayari, mga kamag-anak ni Mangudadatu, mga abogado, at mga sibilyang nadamay sa karahasan.
Inilahad ng mga rekord ng hukuman ang pagkakasangkot ng mga armadong grupo, tauhan ng pulisya, at mga personalidad sa politika sa pagpaplano at pagsasagawa ng mga pagpatay. Ibinunyag ng mga detalyeng ito ang panganib kapag ang kapangyarihang ipinagkatiwala ng publiko ay nagagamit upang pangalagaan ang pansariling interes sa politika.
At makalipas ang labimpitong taon, hindi pa rin naglalaho ang mga banta sa mga mamamahayag.
Sa pahayag nito noong Nobyembre 2026 kaugnay ng International Day to End Impunity for Crimes Against Journalists, iniulat ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang 266 insidente ng pag-atake at pagbabanta laban sa mga manggagawa sa midya at hindi bababa sa 12 pagpatay sa mga mamamahayag sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Malinaw rito, na hindi lamang bala ang maaaring magpatahimik sa pamamahayag. Maaari rin itong magmula sa pananakot, panggigipit, red-tagging, at iba pang gawaing lumilikha ng takot sa mga naglalantad ng katiwalian at pang-aabuso.
Hindi kailangang may mamamahayag na mailibing upang mapigil ang isang kuwento. Kung minsan, sapat na ang takot upang piliin ng isang tao ang pananahimik.
Pinatigil man ng mga bana sa Ampatuan ang 32 manggagawa sa midya sa pagtupad sa kanilang tungkulon, hindi naman namatay kasama nila nag pananagutang ilantad ang katotohanan.
Ang tinta sa lupa
Mahalagang kilalalin ang mga hatol noong 2019. Pinatunayan ng mga ito na maaaring mapanagot sa batas maging ang mga makapangyarihang personalidad sa politika. Ngunit hindi rin maaaring balewalain ang mga kasong nananatiling nakabinbin. Sa pahayag ng NUJP noong Nobyembre 2026, muling binigyang-diin ang hindi pa nareresolbang mga apela, ang mga akusadong nananatiling hindi nahuhuli, at ang patuloy na pakikibaka.
Para sa sambayanan, isa itong tanong na ilang ulit dapat natin isulat: Ano ang saysay ng paggunita sa mga biktima ng karahasang politikal kung hindi rin haharapin ang mga sisitemang nagbigay-daan sa kanilang pagkamatay?
Walang kandila, bulaklak, at talumpati ang sasapat upang tuparin ang pananagutang iniwan ng masaker. Nagkaroon lamang ng saysay ang paggunita kapag kaakibat nito ang patuloy na paghahanap ng katarungan, pangangalaga sa kalayaan ng pamamahayag, at pagtitiyak na walang sinumang nakahihigit sa batas dahil lamang sa kapangyarihan o apelyido.
Ang dugo ng mga biktima at naka mantsa bilang tinta sa lupa ng Ampatuan, at ito ay matagal nang nakapagsulat ng isa sa pinakamadilim na kabanata ng kasaysayan ng Pilipinas. Ngunit nasa kamay pa rin ng mga buhay ang pagsusulat ng mga huling pahina.

