BITBIT ANG MGA ISYUNG pangangamkam ng lupa at militarisasyon, mariing sinisingil ng ilang progresibong grupo si Presidente Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang kontra-demokratiko, kontra-magsasaka, kontra-mangingisda, at kontra-mamamayang mga polisiya habang papalapit ang ikalima nitong State of the Nation Address (SONA).
Inilatag ang mga karaingang ito noong 24 Hulyo sa Kapehang Bayan sa Naga City, kung saan idinaing ni Regina Barbacena, kinatawan ng Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB), ang ugat ng krisis agrikultura na bigong solusyonan ng rehimeng Marcos: ang kawalan ng tunay na repormang agraryo at ang patuloy na pagkakait ng lupa sa mga nagbubungkal nito.
Bukod sa nakaluluging pagpresyo sa ani, idinagdag ni Barbacena na lalong pinapabigat ang pasanin ng mga magsasaka ng presensya ng mga militar sa kanilang mga bukirin na ayon sa kaniya ay ginagamit ng mga panginoong maylupa upang sapilitang paalisin sila sa kanilang lupang sakahan.
Sa halip ng mga hungkag na pangako, nais ng mga magsasaka na "maalis ang militarisasyon sa kanayunan at [magkaroon ng] subsidyong 50k sa mga produksyon—sa lokal na produksyon, hindi sa importasyon."
Patunay na ang pang-aalipusta sa magsasaka’y gayundin sa mangingisda, binatikos ni Nelsie Rodriguez, kinatawan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Camarines Sur, ang San Miguel Bay Offshore Windmill Project sa Calabanga, Camarines Sur, bilang isa sa mga proyektong pinsala umano sa kapaligiran at kabuhayan ng mga residente. Ang proyekto ay aktibo ring kinokondena ng Defend San Miguel Bay Network sa parehong batayan.
Pinangungunahan ng aniya’y “dapat sana nagmamalasakit na opisyal ng ating probinsya,” isa lamang aniya ang San Miguel Bay sa iba't ibang kaso ng land-grabbing at land use conversion na ipinasisibol ng rehimeng Marcos sa pamamagitan ng patakarang Comprehensive Land Use Plan (CLUP), panukalang National Land Use Act (NaLUA), at iba pa.
Sa ganitong pattern ng pagsasamantala sa lupa at yaman, giit pa ni Rodriguez, makikita ang lantarang pandarambong ni Marcos: "kasi lahat ng kanyang polisiya ay pagbenta ng ating soberanya sa ibang bansa at [wala itong] pakinabang sa ating bayan."
Umaabot din sa larangan ng internasyonal na patakaran ang ganitong porma ng pagsasamantala, ayon kay John Paul Fernandez, convenor ng AdNU 4 Palestine, na ikinondena ang koalisyong Pax Silica bilang "modernong anyo ng pagnanakaw at kolonyalismo" na naglilingkod umano sa imperyalistang interes ng mga bansang tulad ng Estados Unidos na konektado, sa ihinahasik nitong henosidyo sa Palestina at giyera sa Iran.
Diin ni Fernandez, dapat umanong tutulan ang Pax Silica dahil sa kaakibat nitong pagsasamantala sa likas na yaman, lupa, at lakas-paggawa ng bansa, bukod pa sa mga geopolitikal na panganib buhat sa alitan ng Estados Unidos at Tsina.
Upang kolektibong singilin ang katarungan, magtitipon bukas, 27 Hulyo sa araw ng SONA, ang iba't ibang sektor at progresibong grupo sa Camarines Sur para sa isang kilos-protesta sa Plaza Rizal, Naga City, mula 8 hanggang 11 ng umaga.




