Ilan ang eksaktong bilang ng dasal na kailangang sambitin sa ilalim ng manto ni Inâ upang madinig ng panginoon ang isang hiling na tila hindi umuusad? Bagkus kinakailangan humikbi, magdalamhati, at gawing saulado ang isang milyong panalangin upang malapatan kahit saglit ng mga matang may awa at pagmamalasakit? Dahil sa sitwasyon natin ngayon, aaminin ko, na ang Diyos na lamang ang ating malalapitan.
Sa bawat taon na dumarating ang kapistahan ni Inang Peñafrancia, muling napupuno ng mga bulaklak, kandila, awit, at panalangin ang Naga. Sa gitna ng lahat, naroon si Inâ, marangal sa kaniyang magandang manto na kumikislap sa bawat tama ng liwanag. Sa bawat pagyakap ng kaniyang mga bisig sa mga deboto, tila buong Kabikolan ang kaniyang kinukupkop. At tulad ng mga taong humaharap sa kaniya, may mga kuwentong naiwan sa kaniyang paanan. Kung makakapagsalita lamang si Inâ, baka maging siya ay nagtataka na rin sa dami ng ating hinaing, na tila hindi matapos-tapos.
Bakit kailangan pa nating ipanalangin ang mga bagay na dapat sana’y mayroon na tayo?
Ina para kay Inâ
Kung mayroon mang higit na nakauunawa sa dinadala ng isang ina, hindi ko maitatangging si Birheng Maria iyon. Siya man ay kumupkop, nag-aruga, at nanatili sa tabi ng anak niyang si Hesus hanggang sa huling hantungan nito. Marahil ito ang dahilan kung bakit para sa mga inang tulad ni Nanay Linda, hindi lamang isang banal na imahen si Inâ, kundi isang kapuwa inang maaaring lapitan kapag labis nang mabigat ang pasaning kailangang dalhin.
Isang limampu't limang taong gulang, at magsasaka sa Del Rosario, Canaman si Nanay Linda, at ang paglapit kay Inâ ay isang tradisyong minana pa sa mga naunang henerasyon, at naipasa rin niya ngayon sa kaniyang mga anak at apo. Hindi lamang init ng araw ang kaniyang katunggali sa bukid, kundi maging ang kakulangan ng sapat na tubig upang mapalago ang kanilang mga pananim. Hindi hingil sa ating kaalaman na ang mga magsasaka sa Pilipinas ay isa sa mga pinaka mahihirap at patuloy na nahihirapan. Ayon sa Philippine Statistics Authority, 30% ang poverty incidence ng mga magsasaka, dahilan upang makabilang sila sa mga pinakamahihirap na sektor ng bansa. NGunit ang sambit ni nanay Linda nang aming tanungin ng kanilang panalangin:
“Gabos na hinagad ko para sa pamilya ko, nararanasan ko, naitao na sako.”
Maluha-luha si Nanay Linda nang ibinahagi niya sa amin ang kaniyang kuwento. Ayon sa kaniya, napatunayan niyang nakikinig ang Diyos sa kaniya nang maaksidente ang kaniyang asawa, isang electrician, habang nag-aayos ng mga kable ng koryente. Ang paulit-ulit niyang pagsambit ng mga dasal, ayon sa kaniya, ang nakapagligtas sa kaniyang nag-aagaw-buhay na asawa.
NGunit, mas mataimtim ang repleksiyon na iniwan niya sa amin: Bakit sa Diyos tayo lumilingon kapag may aksidenteng kinakailangan ng agarang aksiyon? Hindi ba dapat ipinagpapaubaya natin ito sa ating pamahalaan dahil sila ang may tunay na hawak ng polisiya para sa mas makataong trato sa mga manggagawang Pilipino? Nakababahalang isipin na kailangan pang makipag-agaw-buhay ng ating mga kapuwa Pilipino para lamang makapaglatag ng makakain sa hapag, at kapag wala nang ibang nakikitang liwanag, sa Diyos na tayo nakatingin.
Dasal ng Buhay
Sa aming paglalakbay sa kahabaan ng parada, tahimik na nagmamasid si Tatay Alfredo. Dala niya ang isang bote ng tubig, habang naka-upo gilid ng kalsada. Siya umano ay dating messenger sa Maynila, at tatlong taon na siyang deboto ni Iná. Kumikinang ang mga mata ni tatay; kitang-kita ang tuwa niya habang nanonood ng makulay at buhay na buhay na parada.
Nang aming tanungin kung ano ang pinakahinihiling niya sa Panginoon at kay Inâ, simpleng sagot lamang ang isinambit niya; “Mahabang buhay.”
Para kay tatay, na madalas atakihin ng high blood, ang mahabang buhay ay hindi lamang hiling, kundi pagkakataong manatili pa.
Gintong Mata
Katulad ng kumikinang na manto ni Inâ, makinang din kaming tinawag ng mga mata ni Tatay Robert, na noon ay tahimik na naka-upo sa Plaza Rizal, kadarating lamang umano niya galing Bulacan. Isa siyang bulag na mang-aawit. Simula noong 1990, taon-taon na umano siyang bumabiyahe patungong Naga City para kay Ina, upang umawit para sa mga tao, na siya ring naging debosyon niya na. Kasama niya sa taunang debosyon na ito ang kaniyang asawa, na isa ring bulag mula kapanganakan.
Nasilayan pa ni Tatay Robert ang makulay na mundo bago siya mabulag noong kabataan niya dahil sa pag we-welding, na naging sanhi ng komplikasyon sa kaniyang paningin. Dahil dito, sumandal siya sa pag-awit at bumuo ng grupo kasama ang kaniyang asawa. Sa bawat taon na dumadayo siya sa Naga tuwing kapistahan, sa malamig na semento ng Plaza lamang siya tumutuloy, gamit ang karton na kanilang hinihingi sa mga kapwa nila naghahanap buhay rin sa lugar.
“Siya [Inâ] rin ang nagbigay ng talento ko, binabalik ko rin.”
Isa sa mga panalangin ni tatay Robert ay ang magkaroon ng patuloy na ligtas at malakas na pangangatawan ang kaniyang sarili, maging ang kaniyang pamilya. NGunit, tila mas mabigat ang pinakahinihiling niya ngayong taon kay Inâ; sila umano'y pinaaalis na sa kanilang tahanan dahil sa hindi regular na pagbayad ng upa.
“Sinubukan na namin lumapit sa gobyerno pero kami pa ang tinuruan mag-sinungaling. Sabihin daw namin na kami ay magsakit para mabigyan ng suporta.”
Dahil sa kakulangan ng pangtustos, nagtitiyaga si Tatay Robert at ang kaniyang pamilya sa hanap-buhay na kaya niyang gawin, dahil na rin sa limitadong oportunidad dala ng kaniyang kapansanan. Naniniwala siya na sa likod ng mga pagsubok sa buhay, ang Panginoon ay hindi lumilingon palayo sa kaniya.
“Ang Iná naman talaga hindi nagpapabaya. Basta nangangailangan ka at humihingi ka ng tulong, hindi ka naman niya pababayaan.”
Sa kabila ng kaniyang malalim na pananampalataya, isang mabigat na mensahe ang iniwan ni Tatay Robert para sa pamahalaan:
“Silip-silipin naman kami paminsan-minsan, hindi puro salita na lang.”
Isang simpleng hiling mula sa isang taong hindi nakakakita. NGunit marahil, iyon mismo ang pinakamasakit na larawan ng kanilang buhay; ang humihiling na masilip ay siya pang hindi nakakakita.
Kapag natapos na ang mga awit, at humupa ang prusisyon, muling maghihiwalay ang mga tao pabalik sa kani-kanilang pamilya, bayan, at pamumuhay. Maging si Inâ ay babalik sa altar, patuloy na tatanawin ang kaniyang mga anak at dadalhin ang kanilang mga kuwentong panalangin. Mananatili tayong naghihintay ng himala sa bawat dasal at pangarap na ating inilapit kay Inâ. Hindi lamang ito kuwento ng pananampalataya, kundi isang salaysay ng kapabayaang paulit-ulit nating binibihisan ng pag-asa upang hindi natin makita ang dugo.
Ginagawa nating milagro ang mga bagay na dapat ay karapatan, at tinatawag nating biyaya ang anumang katiting na naibigay matapos ang matagal na pagdurusa at pagkakait. Nakatingin pa rin ba ang Diyos at ang Inâ sa atin kapag natapos na ang enggrandeng parada at humupa na ang prusisyon? Marahil ay mali ang tanong na ito, dahil ang mas angkop na itanong ay kung bakit patuloy nating itinataas sa langit ang pananagutang iniwan dito sa lupa.
Ilang Pilipino pa ang kailangan manalangin para sa kaligtasan, sakit, kahirapan, at komportableng bahay na matutuluyan? Maaaring nakatingin ang Diyos, at maaaring nakatingin si Inâ. NGunit hindi dapat gamitin ang kanilang awa upang pagtakpan ang kawalan ng malasakit ng mga taong may kapangyarihang kumilos.
Sapagkat pagkatapos ng pista, hindi naman sa langit umuuwi ang mga tao. Umuuwi sila sa lupa. At dito, kailangan nilang mabuhay.

