Mahaba at nakakapagod na oras ng pagbebenta, matumal na kita, at klimang hindi mahulaan. Taon-taon, hinaharap ng mga debotong tindero ang mga hamong ito at nakikipagsapalaran sa Lungsod Naga tuwing Setyembre. Hindi lamang ito para sa pagpapakita ng kanilang debosyon sa Inang Peñafrancia, sa halip ay upang kumita rin mula sa dagsa ng mamimili sa panahon ng kapistahan.
Sa gitna ng maraming deboto at turista, tahimik na humahalo ang mga maliliit at ordinaryong tindero sa anino ng Peñafrancia Festival, nananatiling hindi napapansin at natatabunan ng mga engradeng selebrasyon at pagpapamalas ng pananampalataya.
Mula sa pagbenta ng biskwit, bracelet, at mga relihiyosong imahe, ang bawat produkto at karanasan ng mga nagtitinda ay may taglay na kwento ng pagpupursigi at matibay na debosyon sa kabila ng hindi pagpansin ng nakararami.
Malinaw na Layunin, Malabong Paningin
Sa maliliit at simpleng biskwit, natagpuan ng isang tindera ang kanyang ikabubuhay. Si Aling Lina, isang tindera mula sa Minalabac, ay umaasa sa pagtitinda ng mga biskwit upang makabili ng gamot para sa kanyang eye infection at pang araw-araw na gastusin. Bagamat hinaharap niya ang mga suliranin na dulot ng kanyang karamdaman sa mata, malinaw parin ang pagpupursigi at pakikipagsapalaran ni Aling Lina. May trabaho na ang kaniyang mga anak, at paminsan-minsan, ay binibigyan siya ng pera. Ang kanyang mga apo naman ay nag-aaral na.
Ngunit, higit pa sa pagtitinda ang nagbibigay sa kaniya ng dahilan upang magpatuloy.
Walang oras, panahon, o okasyon ang pananampalataya. Ganiyan mailalarawan ang debosyon ni Aling Lina kay Inâ. Bagamat isa lamang siyang tindera, minamabuti niyang pumunta sa Siyudad ng Naga kahit walang kapistahan kapag may sobra siya na pera. Higit pa sa limitasyon ng kalendaryo ang kaniyang pananampalataya bilang isang deboto ni Inâ.
Gayunpaman, sa likod ng pamumuhay na puno ng pananampalataya, may isang realidad na higit pa sa debosyon ang kailangang harapin ni aling Lina.
Gustuhin niya man na pumunta at humingi ng tulong sa kapitolyo, gobernador ng Camarines Sur at sa alkalde ng Naga, hindi niya alam kung saan siya tutungo o kung saan matatagpuan ang mga tanggapang maari niyang lapitan. Sa kabila ng kanyang pagnanais na humanap ng paraan, may isang hadlang na hindi niya kayang lampasan nang basta-basta: ang kakulangan sa impormasyon.
Para sa isang taong naghahanap ng tulong, isa itong malaking suliranin. Sapagkat paano lalapit ang isang mamamayan sa pamahalaan kung hindi niya alam kung saan siya magsisimula? Sa kaso ni Aling Lina, hindi lamang kulang na pera ang hadlang sa pagkamit ng tulong; pati na rin ang impormasyong tila buwan—mahirap abutin.
Sa isang perpektong mundo, may kakayahan dapat ang pamahalaan na ipaalam sa mga tao katulad ni Aling Lina ang mga pangunahing impormasyon, tulad ng lokasyon ng kapitolyo o munisipyo. Bagamat may free wifi program ang pamahalaan ng Camarines Sur upang makapagsaliksik ang mga nasa malalayong lugar, hindi ito akma para sa mga taong walang ibang magawa kundi ang ituon ang kanilang atensyon sa pagtataguyod ng pang araw-araw na pangangailangan.
Mahalagang maunawaan na ang access sa serbisyo-publiko ay karapatan ng mamamayan at hindi lamang ito nakasalalay sa pagkakaroon ng pisikal na tanggapan. Hindi magiging ganap na accessible ang mga ito kung ang mga mamamayan ay walang malinaw at madaling maunawaang impormasyon. Sa ganitong sitwasyon ay makikitang ang problema ni Aling Lina ay hindi lamang personal na kakulangan sa kaalaman. Bagkus, ito ay sumasalamin sa isang mas malalim na implikasyon sa ating lipunan.
Kapag ang tao ay walang sapat na impormasyon upang ma-access ang mga serbisyong ibinibigay ng pamahalaan, nagkakaroon ng agwat sa pagitan ng serbisyo at ang aktuwal na pakinabang na binibigay nito. Sa madaling sabi, posibleng magkaroon ng programa sa papel, ngunit kung hindi naman ito nakakaabot sa mga tao, magiging limitado lamang ang tunay na epekto nito.
Debosyong Lagpas sa Guhit ng Mapa
Mahabang paglalakbay, iba’t ibang patron, at samu’t saring destinasyon. Habang nililimitahan ng karamihan sa mga deboto ang kanilang sarili sa iisang patron o patrona, ipinamamalas naman ni Rose Mary—isang tindera ng mga kagamitang panreliyihon—ang kaniyang pananampalataya nang walang hangganang heograpikal. Sumasama siya sa iba’t ibang pamamanata. Minsan sa Itim na Nazareno, at sa ibang pagkakataon naman ay sa Our Lady of Guadalupe. Sa pagsunod sa iba’t ibang ruta ng pamamanata, nilibot na ni Rose Mary ang buong Pilipinas.
Marahil ay nagmimistulang jetsetter si Rose Mary dahil sa dami ng kanyang napuntahan. Ngunit sa likod ng kanyang paglalakbay, may nakatagong katotohanan tungkol sa kanyang mga karanasan na siyang sumasalamin sa mga problema ng lipunan.
Lakas ng loob, tiyaga, at pagpupursigi ang mga sandata ni Rose Mary sa pakikipagsapalaran bilang isang tindera. “Palakasan nalang ng loob," sabi niya. Ngunit, ipinapakita lamang nito ang lubos na kawalan ng katiyakan at seguridad para sa kabuhayan mga nagtitinda. Karamihan sa kanila, pati na rin si Rose Mary, ay umaasa sa pagtitinda upang matustusan ang kanilang mga araw-araw na pangangailangan. Dahil sa kawalan ng katiyakan, tila’y napipilitang tumaya ang mga debotong-tindero para lang kumita.
Kahit ang mismong paglipat-lipat ni Rose Mary ng lokasyon ay sumasalamin sa katiwalian ng sistema.
Sa halip na magkaroon ng matatag at permanenteng trabaho, napipilitan na lang siyang subukan ang kanyang swerte sa pagtinda sa iba't ibang bahagi ng bansa. Sumasalamin ito sa mas malawak na katotohanan: hindi lamang si Rose Mary ang walang access sa matatag na hanapbuhay. Ayon sa Philippine Statistics Authority, 3.14 milyong Pilipino ang walang trabaho noong Hulyo 2026, at ayon pa sa isang ulat ng ahensya noong 2025, ang kawalan ng pagkakataong makapagtrabaho at ang kakulangan ng job offers na may sapat na sahod ang kabilang sa mga pangunahing dahilan sa likod ng unemployment at underemployment sa bansa. Ito ang mga eksaktong hadlang na tila hinaharap din ni Rose Mary sa kanyang paglipat-lipat ng puwesto. Sa kanyang paglalakbay, marahil ay hinahanap pa rin niya ang katatagang hindi niya matatagpuan sa sektor ng trabaho sa Pilipinas.
Bukod pa riyan, ang kaligtasan mula sa malakas na buhos ng ulan, mga hanging humahagupit, at dumadagundong na kidlat ay nagiging malaking suliranin para sa mga nagtitinda tulad ni Rose Mary.
Ayon sa kanyang salaysay, ang pinakamahirap na aspeto ng pagiging tindera ay kapag naabutan siya ng unos habang naglalako. Sa metaporikal na aspeto, walang proteksyon at walang masisilungan ang mga nagkalako o vendor tulad ni Rose Mary. Nananatili silang basa, pagod, at nilalamig sa isang sistema na tila’y pinabayaan na ang mga nasa laylayan.
Kung tutuusin, may mga inisyatibo naman ang pamahalaan ng Naga, tulad ng Designated Night Vending Zones (DNVZ) at temporary stall locations sa panahon ng kapistahan para sa mga informal vendors upang may mapagpuwestuhan sila. Ngunit, wala itong tunay na lunas para sa mga dumadayo na debotong tindero sapagkat ang kanilang puhunan, supply ng paninda, at kakayahang mag benta ay nakasalalay lamang sa kakaunti nilang kinikita na, kadalasan, ay nababawasan dulot ng 'di kanais-nais na klima.
Nakakabahalang isipin na maliban sa pagod at gutom, kailangan rin labanan ng mga nagtitinda ang lamig ng hangin at buhos ng ulan upang kumita. Bilang isang tropikal na bansa, hindi na mapagkakaila na maraming bagyo ang dumadaan sa atin taon-taon. Sa ganitong mga kalagayan, paano na lang ang mga taong umaasa sa paglalako at pagtitinda upang mabuhay?
Saksi ng Panahon at Pagbabago
Mula sa mga pagbabago ng kapaligiran at imprastraktura, hanggang sa mga pagbabago ng mga patakaran, nasaksihan na lahat ni Aling Ligaya, isang 71 años mula sa Quiapo. Sa murang edad na 18 anyos, ang ilan sa mga binebenta niya ay gawa niya mismo, habang ang ibang paninda at souvenir ay manufactured.
“Ako na yata ang pinakamatagal," sabi niya. Sa katunayan, nagtitinda na siya sa Naga noong naroon pa ang katedral sa tabi ng ilog. Ayon sa kanya, mas mahirap kumuha ng permit noon kaysa ngayon, kung saan ang halaga ng permit ticket ay limampung piso lamang bawat araw.
Para kay Aling Ligaya, ang pananampalataya ay mahalagang bahagi ng pagiging tindera, isang bagay na pinatutunayan ng kanyang debosyon kay Inâ at sa Itim na Nazareno. “Kailangan, Siya ang katulong mo."
“Parang naging panata na ang pagpunta dito," ibinahagi niya. Ang mga produktong pinakamabenta sa kanya ay mga souvenir at imahen ni Inâ. Sa pamamagitan nito ay naitaguyod niya ang kanyang mga anak.
Sa kabila ng kanyang pananampalataya, nananatiling lantad ang mga pagsubok. Maliban sa pag-arkila ng sasakyan upang maka punta sa Naga, ang pinakamahirap na bahagi ng pagtitinda para kay Aling Ligaya ay kapag hindi sila pinapayagang magtinda sa isang partikular na lugar. Napipilitan siyang iligpit ang kanyang paninda at maghanap ng bagong puwesto sa mga kalye.
Nakakubling Haligi ng Peñafrancia Festival
Habang dinadagsa ng masa ang mga engradeng kaganapan tulad ng Fluvial Procession at parada, hindi maipagkakaila na ang mga maliliit na debotong tindero ang nagtataguyod sa kapistahan. Kapag walang mga nagtitinda ng mga kagamitang pangrelihiyon tulad ng mga imahen at kandila, bandana, o kahit pagkain at inumin sa mga nasabing kaganapan, maiiwang hubo't gutom ang mga deboto habang nagprusisyon.
Ang kwento nina Aling Lina, Ligaya, at Rose Mary ay hindi lamang mga kathang-isip—kinakatawan ng mga ito ang tunay na karanasan ng bawat debotong nagtitinda at nakikipagsapalaran habang pinapanatili ang kanilang pananampalataya.
Ang kanilang mga kuwento na madalas ay hindi napapansin ay sumasalamin sa isang mas malalim na katotohanan. Pinapatunayan at binibigyan nila ng diin ang konsepto na ang mga paulit-ulit na problema ng lipunan tulad ng kahirapan at hindi sapat na suporta mula sa pamahalaan ay laganap parin sa ating lipunan.
Sa katunayan, ang isang sistema na walang tunay na lunas sa mga 'di kanais-nais na kalagayan na dulot ng kahirapan ang siyang nag-uudyok sa isang tao na makipagsapalaran sa lansangan bilang isang tindero.
Nasa Diyos na ang Awa at Gawa
Ang bawat deboto ay may sariling motibasyon sa pamamanata at sari-sariling hiling kay Inâ. Karamihan ay humihingi ng mas magaan at maginhawang buhay. Sa paglipas ng mga taon, tila ang mga tao—lalo na ang mga debotong tindero—ay napilitang humingi ng tulong sa banal para sa mga suliraning kaya dapat solusyunan ng mortal.
Ipinapakita nito ang tindi ng mga problema sa ating lipunan, partikular na sa usapin ng suporta mula sa pamahalaan at ang kanilang tugon sa laganap na kahirapan. Sa katunayan, hindi dapat napipilitan ang mga mamamayan na dumulog sa Maykapal dahil sa kanilang mga problema kung mayroon naman sanang kinauukulang ahensiya ng gobyerno na, sa teorya, ay dapat na may kakayahang magbigay ng solusyon.
Sa pagsapit ng dilim, patuloy na hinihintay ng mga debotong tindero ang pagsasakatuparan ng kanilang mga hiling.
Pagsasaromantiko ng Paghihirap
Higit pa riyan, tila nagiging dahilan ang matinding pananampalataya at debosyon ng mga tao upang bahagyang gawing romantiko o ituring na normal ang kanilang mga paghihirap. Dahil isinuko na nila ang kanilang pananampalataya at katapatan sa Diyos, ang mga hindi makatarungang kalagayan tulad ng kahirapan ay nagmistulang pangkaraniwan.
Sinasamantala naman ang penomenong nito ng mga nasa kapangyarihan sa pamamagitan ng hindi pagbibigay ng mga praktikal na solusyon para sa mga suliranin ng masa.
May karapatang mapakinggan at makilala ang kwento ng bawat debotong tindero. Hindi maaring matakpan ang kanilang boses ng mga tambol sa parada, at lalong hindi puwedeng manataling nakakubli lamang ang kanilang mga karanasan.
Kapag natapos na ang kapistahan, at nilisan na ng mga deboto ang lansangan ng Naga, saan pupulitin ang mga nagtitinda?
Karamihan sa kanila ay uuwi bitbit ang kanilang kinita, pati na rin ang mga paghihirap na hindi tumitigil kasabay ng pista. Marahil ay hindi natin kailangan ng grandeng kaganapan o pista upang pansinin sila—sa susunod na pagkakataon na makakita tayo ng nagbebenta sa bangketa, ang simpleng pagbili o pakikinig sa kanilang kwento ay magdudulot ng isang malaking pagbabago sa kanilang mundo.
Bagama't mahalaga ang awa at pag-unawa, hindi natin makakamit ang pagbabago sa sistema kapag patuloy lang tayo aasa sa kapwa. Nagmimistulang puhunan ng mga nasa kapangyarihan ang awa ng mga tao sa kanilang patuloy na pag bulag-bulagan sa mga katiwalian ng ating sistema. Hindi lang tayo ang kailangang magbigay ng pansin sa mga karanasan ng maralita, sa halip ay pati na rin ang mga nasa kapangyarihan na siyang may kakayahang baguhin ang sistema.
Ang bawat Pilipino, tindero man o hindi, ay may karapatang mamuhay sa isang sistema na inuudyok ang pag-asenso ng mga mamamayan nito, hindi sa isang sistema na tila’y ginagawang kalunos-lunos ang mga tao. Dahil, kailanman, hindi naging makatarungan ang pagkakaroon ng kawawa sa lipunan.
