ThePILLARS logo

THEPILLARS/NEWS

Pagsentro sa tao: Lunas sa suliraning trapiko, mobilidad sa Naga City

By Marifer B. Mameng|February 03, 2026

Mga polisiya at solusyong nakatuon sa mga mamamayan, nais ipatupad ng lokal na gobyerno ng Lungsod ng Naga upang matugunan ang lumalalang kondisyon ng trapiko at mobilidad sa siyudad.

Pagsentro sa tao: Lunas sa suliraning trapiko, mobilidad sa Naga City

Jen Marie Buela / ThePILLARS

Inilatag ng lokal na gobyerno ng Lungsod ng Naga ang mga ihinahandang plano at aksiyon nito sa Transport and Mobility Summit 2026 noong 31 Enero sa Student Pavilion ng Bicol State College of Applied Sciences and Technology (BISCAST).

Isa sa 8 finish lines o mga obhetong nais makamit ng siyudad sa taong 2028 ay ang Walkable, Orderly, and Secure Naga na naglalayong pabilisin ang trapiko sa pamamagitan ng mga ordinansa at polisiyang nakaangkla sa kapakanan ng mga mamamayan.

Isa na rito ay ang pagkalap ng impormasyon at suhestiyon mula sa mga mamamayang nakararanas ng suliraning ito—mga operator at drayber ng mga pampublikong sasakyan, pati na rin mga komyuter.

“Mas science-based saka data-driven [ang presentasyon dito sa summit]. Pero an importante sa summit, dahil gulping transport groups digdi, gulping commuters,” ani Mayor Leni Robredo ukol sa obhetong gawing participative ang paggawa ng desisyon sa suliraning pantrapiko.

(Mas science-based saka data-driven ang presentasyon dito sa summit. Pero ang importante sa summit, maraming transport groups dito, maraming commuters.)

“Itong science-based approach kaipuhan ta siyang ibangga sa everyday na problema kan drivers saka kan commuters, para si pagpasar nin policy kan ciudad, [...] mas comprehensive—na-consider si gabos na angles,” dagdag pa ng Mayor. 

(Yung science-based approach, kailangan natin siyang itugma sa araw-araw na problema ng  mga drayber saka komyuter, para ang maipasa na polisiya ng syudad, mas malawak—na-consider ang lahat na anggulo.)

Nagkaroon din ng pagpirma sa isang Memorandum of Agreement (MOA), na naglalaman ng ₱6.78 milyong pondo, para sa implementasyon ng Naga City Artificial Intelligence (AI) Planner na naglalayong makapagbigay ng makabagong solusyon gamit ang teknolohiya.

Ang MOA ay pinirmihan nina Mayor Robredo at Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Undersecretary Rosemarie G. Edillon.

Binigyang diin din ang paggamit sa Naga City AI planner na may obhetibong pabilisin ang paggawa ng desisyon tulad na lamang ng mga solusyon, ordinansa, at polisiyang maaaring manggaling sa mga nakalap na datos. 

Mga Suliranin sa Trapiko

Ang mga nasambit na problemang nagdudulot ng malalang trapiko ay ang mga posteng kinakabitan ng kable ng kuryente at telecommunication lines, sirang mga kalsada, kulang na regulasyon sa sakayan at babaan, pagpaparada sa gilid ng kalsada, gayundin ang kakulangan sa pagpapatupad ng batas-trapiko.

Dagdag pa, 14% lamang ng mga residente ng Naga City ang may pribadong sasakyan ngunit mas nagdudulot ang mga ito ng trapik kaysa sa 86% na mga komyuter. 

Ang madalas na problemang naipapaabot sa lokal na gobyerno ay mula sa napakatagal na bilang para sa paghinto at napakabilis naman sa pag-andar ng mga sasakyan.

Ipinaliwanag ni Robredo na ang dahilan nito ay dahil sa fixed setting ng traffic lights ayon sa supplier. 

Subalit, ilang mga eksperto mula sa University of the Philippines ang nag-inspeksiyon dito at saliwat sa pahayag ng supplier ang kanilang natuklasan; kung kaya't maaari nang mabago ang bilis at bagal ng traffic lights base sa datos ng trapiko. 

Kalakip nito ay ang ilan sa mga nailatag na rekomendasyong naglalayong ipatupad ng lokal na gobyerno tulad ng pagsasaayos ng mga imprastraktura, tulad ng mga sirang traffic lights, kalsada, at pagdagdag ng mga tabing-daan at mga karatula.

Dagdag pa rito ang patuloy na negosasyon ng lokal na gobyerno sa gobyerno nasyonal upang maisaayos ang mga sirang national road sa Naga, tulad ng Maharlika Highway, Magsaysay Avenue, at Roxas Avenue, na pinagbabawalang tapalan ng gobyernong nasyonal. 

Solusyong People-Centered

Kasama rin sa nasabing summit ang mga light talk patungkol sa mga aksidente na sanhi ng mga sasakyan, people-centered na mga kalsada, at ang pagiging walkable ng siyudad. “Ang vision ta talaga for Naga mas walkable an satuyang streets, safer an satong streets…people-centric an satuyang transport policies,” aniya ni Mayor Robredo.

(Ang vision talaga natin para sa Naga [ay gawing] mas walkable ang ating mga daanan, mas ligtas ang ating mga kalsada… [at] people-centric ang ating mga polisiyang pangtransportasyon.)

Binigyan diin din ang susunding people-centric framework na binibigyang antas ang maayos na mobilidad.

Una rito ang paglalakad, sunod ang pagbibisikleta, pagsakay sa pampublikong sasakyan, carpooling, at ang paggamit ng pribadong mga sasakyan o automobiles. 

Patuloy rin ang pagkalap ng datos ng lokal na gobyerno sa pamamagitan ng contactless apprehension o ang pagsasagawa ng report gamit ang MyNaga App.

“Pwede mong piktyuran si nahihiling mong violation, i-upload mo sa MyNaga [App], violation na ito na pigkakabit ta siya sa mga programa kan ciudad saka kan LTO para mapanagot si mga nagba-violate.” pagpapaliwanag ng mayora ukol sa contactless apprehension. 

(Pwede mong piktyuran yung nakikita mong violation, i-upload mo sa MyNaga [App], violation na yon na kinakabit natin sa mga programa ng syudad at ng LTO para mapanagot yung mga nagba-violate.) 

Sunod na mga Hakbang

Kalakip ang mga plano para sa darating na mga taon, nilalayon ng lokal na gobyerno ng Naga na mas bigyang pansin ang mga pedestrian sa pamamagitan ng masusing mga pag-aaral at eksperimento, tulad ng unti-unting pagbabago sa mga mayoryang kalsada upang magkaroon ng maayos at pinturadong bike lanes at mas malawak na mga sidewalk.

Dagdag pa, pinaplano ng lokal na gobyerno na magsagawa ng trial run hinggil sa bagong urban street design sa M.T. Villanueva Avenue upang ma-test, bago ito gawin sa iba pang parte ng lungsod.

Ayon sa alkalde, patuloy rin ang pagsisikap ng siyudad sa pagpapaapruba ng bagong disenyo ng kalsada; nabanggit na hindi umano inaprubahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dating ipinasang disenyo dahil hindi pinapayagan ng departamento ang paglalagay ng mga puno sa gilid ng kalsada.

Gayunpaman, umaasa ang siyudad sa kooperasyon ng mga mamamayan upang maisakatuparan ang mga plano nilang pagbabago.

“May recognition kita na kadakol kaya siyang moving parts. [...] Dai ini kaya nin gobyerno na kami lang. Kaipuhan mi si suporta kan public na pagtarabangan ta iniyo, dahil si enormity kan problema, real,” nasambit ng mayor.

(Kinikilala natin na marami kasi siyang moving parts. [...] Hindi ito kaya ng gobyerno nang kami lang. Kailangan namin ng suporta ng publiko na pagtulungan natin ito, dahil totoo na malaki ang problema [sa traffic at mobility].)

Ayon naman kay Engineer Edmer Flores, Urban Transport and Mobility coordinator ng Lungsod ng Naga, “Ini kayang initative mi, dapat, magkaigwa kita nin shared responsibility: na kunyari sa pedestrian, nagbabalyo ka sa tamang balyohan; si nagbibisikleta, duman sa may bike lane; si nagkokomyut, duman ka sa tamang punduhan—arog kayan. So, dapat an gabos, igwa nin responsibilidad para masolusyunan ta si problema ta.”

(Ito kasing initiative namin, dapat magkaroon tayo ng shared na tungkulin: halimbawa, ang pedestrian, sa tamang tawiran tumatawid; ang nagbibisikleta, nasa bike lane; ang nagkokomyut, doon sa tamang babaan—ganiyan. Kaya dapat, lahat tayo may bahagi sa responsibilidad para masolusyonan natin ang problema natin.)

Ilan pa sa mga inilatag na solusyon ay ang Development of an Urban Transport Model para sa parking management, Mirasol SafeTravelPH Mobile App sa tracking ng numero ng mga pasahero at alarm sa mga drayber kung sila ay nag-o-overspeeding

MyNaga App

Binigyang diin ang kahalagahan ng pagsusumite ng ulat sa MyNaga App kung nakakita o nakaranas ng paglabag sa karapatang-pantao. 

Ang mga ulat na ipapasa sa MyNaga App ay dadaan sa limang hakbang.

Una ay ang pag-sumite ng ulat kasama ang litrato at detalye, sunod ay dadaan ang ulat sa Public Safety Office (PSO) screening  kung saan titingnan kung kumpleto ang isinumiteng ulat, pangatlo ay ang PSO verification ng mga CCTV, official camera view, o field validation.

Sunod rito ay ang pag-isyu ng Citation mula sa PSO—walang komprontasyon na mangyayari sa pagitan ng nagreklamo at inireklamo, gayundin sa ticketing para sa inireklamo. 

Panghuli ay ang pagkakaroon ng digital record sa MyNaga App nang naging paglabag, na maaaring hamunin  o kuwestyunin ng inireklamo.

Sinisiguro na ang personal na datos o pagkakakilanlan ng nagreklamo ay papanatiling kompidensyal.