THEPILLARS/Feature

Pangangamba, Pag-aalala, Pag-asa: Isang Taong Pakikipaglaban para sa Tabaco Desaparecidos

ByBilly B. Cruz|30 August 2026

Isang taon matapos dukutin sina James Jazmines at Felix Salaveria Jr., nagtagumpay man ang kanilang mga pamilya sa writ of amparo at habeas data, wala pa ring nakikitang mga akusado—at wala pa ring nakikitang sila.

Pangangamba, Pag-aalala, Pag-asa: Isang Taong Pakikipaglaban para sa Tabaco Desaparecidos

Photo courtesy of Thaddeus Nathaniel L. Noble

SABI NILA, oras ang naghihilom sa lahat ng sugat. Ngunit para kina Cora, Gab, at Isya, mga pamilyang naiwan ng mga desaparecido, ang sugat ng pangungulila’y mas pinapalala ng bawat paglipas ng araw, buwan, at ngayon, taon na wala pa rin ang kanilang mga mahal sa buhay.

Iminamarka ng bawat ikalima ng Agosto ang pag-iisang-dibdib nina Cora at James Jazmines, na ngayo’y umabot na sa ika-36 nitong taon. Nakatali sila sa panata ng likas-kayang pamumuhay, aktibismo, at pagpapalakas ng mga batayang sektor. Ngunit sa halip na abangan at ipagdiwang ang nasabing petsa, ipinangangamba na ni Cora ang pag-agos ng bawat araw—simula nang dukutin ang kaniyang asawang si James noong ika-23 ng Agosto taong 2024 sa Tabaco, Albay. “Every 23rd of the month, ‘yan ‘yung kinakatakutan kong dumating. [...] Ibig sabihin, isang buwan na naman ang lumipas—wala pa rin sila, naghihintay pa rin kami,” aniya.

Kagaya ni Cora, naghihintay pa rin sina Gab at Isya Ferrer sa pagbabalik ng kanilang ama na si Felix Salaveria Jr. Para sa magkapatid, maaasahan ang kanilang Itay sa lahat ng bagay: sa pagkukumpuni sa bahay, pagwawasto ng sanaysay, pagtatanim, pagtuturo, paghahatid-sundo, at maging ano pa man. Ngunit, limang araw matapos ang kaniyang ika-66 na kaarawan noong 23 Agosto, nasapit din niya ang parehong kapalaran ng matalik niyang kaibigang si James, sa parehong araw at parehong lugar. Wika ni Isya, “Itong month na ‘to, sa totoo lang, ayaw ko talaga ‘tong dumating. Kung pwede lang, ‘wag na lang mag-August.”

Ngunit narito tayo—ganito gumalaw ang kinagagalawan nating mundo. Lumipas nang muli ang Agosto—ang 23 at 28 ay inekis na sa kalendaryo. Subalit ang araw ng paglitaw nina James at Felix—dalawa sa 15 aktibong kaso ng mga desaparecido—ay patuloy pang hinihintay.

Darating pa ang araw—kaya’t gagawin ang lahat upang ito’y mapabilis at mangyari.

Hinanakit sa Hustisya

Ika-14 ng Nobyembre taong 2024 noong nagsampa ang mga legal counsel nina Jazmines at Salaveria sa Korte Suprema ng petisyon para sa writ of amparo at writ of habeas data.

Kung ang karapatan sa buhay, kalayaan, at seguridad ng isang tao ay nilalabag at nanganganib dahil sa ilegal na akto o kapabayaan ng isang opisyal, writ of amparo ang legal na lunas para dito—na nagsisilibi na rin bilang restraining order. Kung ito naman ay nalabag dahil sa ilegal na pangongolekta ng impormasyon para sa ilegal na hangarin, ang writ of habeas data ang magpupuwersa sa opisyal na ilabas at tanggalin ang impormasyong ito.

Magkasabay man itong isinampa, hindi nagkasabay ang tagumpay.

Para sa kaso ni Felix, dumating ito nang mas maaga. Sa resolusyong pinetsahang 13 Disyembre, ngunit isinapubliko lamang noong 5 Pebrero, inisyu ng Korte Suprema ang writs of amparo at habeas data at ipinadala ito sa Court of Appeals (CA) upang isagawa ang mga pagdinig ukol dito. Limang buwan makalipas, pumabor ang CA kina Gab at Isya Ferrer at ipinagkaloob sa kanila ang nasabing writs.

Sa desisyong pinetsahang 21 Hulyo, ipinataw sa PNP Chief Gen. Nicolas D. Torre at apat pang opisyales ng kapulisan sa Bicol at Tabaco City ang pananagutan sa pagkabigong ipamalas ang “extraordinary diligence” sa pag-imbestiga ng kaso. Giit ng korte, “This court simply cannot write finish to this case on the basis of an incomplete investigation conducted by the police and the military. In a very real sense, the right to security of Felix is continuously put in jeopardy because of the deficient investigation that directly contributes to the delay in bringing the real perpetrators before the bar of justice.

Nang matanggap ang balita nitong tagumpay, mas nangibabaw sa magkapatid ang kaluwagang loob kaysa kasiyahan. “Merong pinagtunguhan ‘yung ilang months na pagpunta namin sa korte [...] Merong mga justices—sila mismo ‘yung nagsabi na biktima ng involuntary disappearance ang tatay namin; merong weight,” paliwanag ni Isya. Panawagan nila, sundin ng mga opisyales mga utos ng resolusyon nang malitaw hindi lamang ang kanilang ama, kundi iba pang mga desaparecido.

Dagdag pa ni Isya, “hindi namin kontrol kung ga’no katagal [ang takbo ng kaso], pero gusto sana naming mas mabilis. May buhay na nakasalalay tapos time is of the essence. [...] ‘Pag lalong tumatagal, parang may sense of less hope. Mas nagiging imposible [yung dapat] posible sana kung mabilis yung mga bagay-bagay.”

Ito rin mismo ang sentimyento ni Cora Jazmines—na sa kasalukuya’y naghihintay ng resolusyon sa CA matapos pagpaboran ng Korte Suprema ang nawawalang asawa at isyuhan ng writs of amparo at habeas data. Bagama’t kasabay ng pamilya Ferrer ang paghain niya ng kaso noong ika-14 ng Nobyembre, dumating lamang ang desisyon ng Korte Suprema noong 3 Hulyo, kahit ito’y pinetsahang 6 Mayo. Kung ang writ of amparo ay “swift judicial remedy,” sa sitwasyon ni Cora, ang “swift is eight months.”

Pakiusap ni Cora, “Kung swift, swift naman sana. Ito na ba ang pinaka-swift niyo? We will abide, so prayer lang talaga is sana swift—kasi a life is on the line. Buhay ang nakasalalay dito.”

Nakaayon dito ang pahayag ni Atty. Tony La Viña, legal counsel para kina Gab at Isya sa naunang panayam nito sa ThePILLARS Publication: “The justice system is mixed. [...] Most of the time we succeed, but ang problema is may delay. [...] ‘Yun ang kailangan nating ayusin—mapabilis ang justice sa Pilipinas.”

Walang Hupang Pangangampanya

Ngunit ani nga nila, hindi ito naimamadali. Kaya’t habang naghihintay—at dahil buhay nga ang nakasalalay—gagawin ang lahat. Bukod sa mga legal na lunas, nariyan ang pangangampanya kasama ang DESAPARECIDOS—koalisyon ng mga pamilya ng mga biktima ng sapilitang pagkawala—nang mapalakas ang panawagan: ilitaw ang lahat ng mga dinukot. Ang panawagang ito’y umabot na sa mga simbahan, mga law school, at sa takilya. Binanggit ni Cora ang “Alipato at Muog,” na sa kabila ng inisyal na pagsensura, ay nagtagumpay sa FAMAS bilang Best Picture, at si JL Burgos naman bilang Best Director.

Nais din niyang isulong ang Republic Act No. 10353 o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012, na sa kabila ng pagpapatupad, ay wala pang naipanagot, napigilan, at naisalba mula sa sapilitang pagkawala. Ayon kay La Viña, dahil ito sa kawalan ng peace agreement sa pagitan ng gobyerno at communist party. Aniya, “There’s still social conflict going on, so therefore, the military [and] the police feel they have [the] impunity to go after anyone who is dissenting [or] anyone who is organizing, even if they’re not terrorist members of the communist party.”

Para kina Gab at Isya Ferrer, mas nakaangkla ang mga hakbang sa paglapit sa international groups na nagtataguyod ng karapatang pantao—“na kung pwede sana[ng] diplomatically i-pressure ang government natin tungkol dito sa mga disappearances. Kasi kung napapansin niyo, wala talagang sinasabi ‘yung Marcos government dun sa kahit na anong disappearances na nangyari under their regime,” wika ni Isya.

Kaugnay nito, hindi na nagulat ang magkapatid na walang imik ang Pangulong Marcos sa usapang karapatang pantao sa nakaraan niyang State of the Nation Address (SONA). Para kay Isya, “‘yung silence nila yung malakas na boses para sabihin na wala talaga silang pakialam.”

Walang pinalilipas na pagkakataon ang magkapatid na ipaalala sa lahat ang kanilang nawawalang itay: sa mga talakayan, sa social media posts, at iba pang paraan “kung saan pwede naming i-share ‘yung experience namin as a living proof na merong mga kamag-anak ng nawawalan.” Naaaninag nito ang nakaraang pahayag ni La Viña tungkol sa pag-aalala: “Anything to keep this issue alive [will help], kasi we easily forget the disappearedprecisely because they disappeared. [...] So by keeping them in our consciousness, we help them.”

Pagtuligsa sa Pangamba

Kung nasaan ang pag-alala, nariyan ang pangangamba. Inilahad nina Cora, Gab, at Isya ang takot na nararamdaman ng mga tao, maging ng kanilang mga kaibigan o kamag-anak, sa usapang pagpirma ng petisyon para sa nawawala nilang mahal sa buhay. “Malay mo baka kami masunod. [...] Pwedeng ‘wag na lang kaming pumirma?” ang madalas na isinasambit kay Cora—patunay lamang sa takot na pumaparalisa sa lipunang patuloy na inaabuso ng mga dapat pumoprotekta rito.

Isang problema rin ang kawalan ng pag-asa. Ayon kay Gab, “lost hope” ang ipinapakita sa kaniya tuwing kinukumusta sa kaniya ang itay—kahit naiintindihan niya ito, giit niya pa rin, “sana hindi ganun, sana tumulong sila.” Ikinuwento naman ni Isya na mayroong mga taong walang alam tungkol sa mga desaparecido, na aniya’y hindi niya masisisi sa hirap ng buhay—“kaya [may] pressure din sa amin na kailangan naming ilahad pa yung isyu ng mga desap,” nang ang masa’y makalaya sa takot, kawalang-alam, at kawalang-pag-asa.

Sa kabila ng dalamhating dala ng paglipas ng oras na wala pa rin ang kaniyang asawa, ito ang ginigiit ni Cora Jazmines sa kaniyang sarili: “Ayokong maging malungkot kasi baka magkasakit ako. So sa isip ko na lang, hindi, kailangan mong harapin ‘to. Magpakatatag tayo kasi ayaw nating mangyari ito. Dapat mag-campaign tayo. Hindi dapat tayo magkasakit [at] mawalan ng loob.”

Kaya’t tuloy ang panawagan, na pinalalakas lalo na ng mga organisasyong nasyonal at internasyonal, pati ng United Nations Special Rapporteur Irene Khan, na ratipikahin ang International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance, nang mapatibay ang R.A. 10353.

Hangga’t hindi nalilitaw ang lahat ng mga desaparecido, hindi natatapos ang laban. Wika ni Isya Ferrer, “Masasabi ko lang [na] masaya ako kapag naibalik na sa amin yung tatay namin. ‘Yun ‘yung talagang magpapasaya sa’kin.”


Published last 28 August 2025 in ThePILLARS Publication Facebook page.

ABOUT THE AUTHOR

Billy B. Cruz

Billy B. Cruz

RED Writer

Billy B. Cruz is a staff writer under the Research & Development Department of ThePILLARS Publication