THEPILLARS/Feature

Sayaw ni Nanay: Debosyon at ang hubad na katotohanan

ByDavid M. Barrameda|25 August 2026

Nasa hawla si Martha. Pero sino ba talaga ang nagtayo nito? Isang pagsusuri sa 'Sayaw ni Nanay' (BETCo x CEC)—dula ng debosyon, kahirapan, at ng presyong dapat bayaran ng isang ina para lang matawag na mabuti.

Sayaw ni Nanay: Debosyon at ang hubad na katotohanan

Photo courtesy of David M. Barrameda

SA POSTER AT IMBITASYON, nakasulat na ang “Sayaw ni Nanay” ay isang dulang nakasentro sa debosyon kay Inang Peñafrancia. Nakakabitin. Nakakaintriga. Kumbaga, nakasuot ito ng makapal na damit na hindi makita nang lubos. Ipinalabas ito noong ika-15 ng Agosto 2026 sa Ateneo de Naga University (AdNU) Gymnasium bilang kolaborasyon ng Bicol Express Theater Co. (BETCo.) at Ateneo Creative Endeavors Council (CEC), sa direksyon ni Alcid O. Valencia.

NGunit hindi lang pananampalataya ang tumambad, kundi ang nakabalangkas na politikal na usapin ng kahirapan noong pandemya, at ang pagkakulong ng kababaihan sa responsibilidad. Sa likod ng kuwento ng isang ina, unti-unting nahuhubad ang mga usapin tungkol sa sakripisyo, pamilya, kahirapan, at kung ano nga ba ang ibig sabihin ng pagiging isang ina.

Maikling sa-Plot

Sinusundan nito ang kuwento ni Martha, isang ina na pitong taon nang hindi makauwi sa Naga at hindi makapiling ang kaniyang mga anak dahil sa labis na pagtatrabaho bilang choreographer sa abroad at Maynila. Kapalit nito ang paglayo ng loob ng mga anak sa kanya, lalo na matapos ang pagkawala ng kanilang tatay, marahil dahil wala siya sa piling nila noong magkasakit ito.

Subalit imbes na yakap, ang sumalubong sa kanya ay mga anak na pera ang iniisip. Nang iniwan siya ng kaniyang mga anak sa gitna ng pandemya, siya ay naghirap, nagutom, at nabaliw. Doon makikita kung paano naging mabilis ang mga rebelasyon at kung paano unti-unting nagbabalik-loob kay Ina ang mga tauhan.

Ang palamuti’t putik

Nakakaiyak. Isa sa mga kalakasan ng dula ay kung paano nito inipon ang mga rebelasyon sa gitna na nagpatong-patong, at kung paano unti-unting naunawaan kung bakit masyadong komplekado ang pagbukas ng kuwento. Dahan-dahan silang naglatag ng mga pangyayaring hindi kumpleto, hanggang biglang ibagsak ang mga rebelasyon sa isang eksena na siyang nagpabigat ng damdamin ng manunuod.

Doon naging dama sa dulo ang emosyon matapos maipakita ang pagkabaliw ni Martha, ang kaniyang pagkagutom, at pagkawala ng katinuan. Hindi lamang naging epektibo ang twist dahil nakakagulat ito, kundi dahil may mga maliliit na pahiwatig na inilatag muna bago tuluyang ibunyag ang katotohanan.

Naging kahinaan din ito ng dula sapagkat hindi nagbigay ng mga flashback na senaryo para sa pagkamatay ng asawa ni Martha dahil ayun ang paulit-ulit na sambit ng anak kapag sya’y sinisisi. Isa rin ang pagkuwento gamit ang projector at hindi na lamang hinayaan sa mga aktor. Sana ay nagbigay-diin ang mga ito sa ilang pangyayari at mas naramdaman ng manonood ang bigat ng pinagdaanan ng mga tauhan. Gayunpaman, maaari ring sabihing sinadya ang ganitong paraan upang manatiling pira-piraso ang impormasyon at makisangkot ang manonood sa paghuhula.

Kulang rin ang elemento ng pagbabalik-loob ni Martha bilang deboto; doon lamang sa pananalangin ipinakita ang kaniyang pag-asa sa paggaling. Hindi gaanong nabuo kung paano talaga nagbago ang kaniyang pananampalataya o kung paano ito nakaapekto sa kaniyang pagtingin sa sarili at pamilya. Subalit naipakita naman kung paano ito naging mapagpalaya at naging maginhawa sa tulong ng mga taong may malasakit sa kaniya.

Dito unang nakita ang kahinaan sa pagsulat. Aakalaing overused na kuwento ng inang OFW tulad ng “Anak” ni Vilma Santos, pero nabawi ito sa rebelasyong ang kaniyang panganay ay hindi niya tunay na anak. Dahil dito, muling nagkaroon ng tanong kung ano ba talaga ang bumubuo sa pagiging ina—dugo ba, pag-aaruga, sakripisyo, o pagmamahal?

Nabanggit ng direktor na hindi siya Katoliko at basta mahal mo ang nanay mo, mahal mo rin si Ina. Maganda ang ideyang ito dahil inilalapit nito ang debosyon kay Ina sa mas malawak na karanasan ng pagmamahal. NGunit dito rin nagiging interesante ang tanong: kapag ginawang unibersal ang debosyon, nababawasan kaya ang partikular na relihiyosong kahulugan ni Inang Peñafrancia? Hindi naman nito kailangang sagutin nang tuwiran, ngunit magandang tensiyon ito sa loob ng dula.

Mahusay din ang pagkakagawa ng konsepto na si Martha ay nasa hawla lamang sa halos lahat ng eksena at ang mga nakakausap niya ay nakaharap sa audience at hindi sa kanya. Kumbaga, si Martha ay disconnected sa mga taong nakapaligid sa kanya dahil na rin sa sitwasyong kilalagyan. Ang ibang tauhan ay tila nangungusap sa manonood, habang si Martha ay nananatiling nakakulong sa sariling mundo.

Isa rin ang pagiging tao ng mga karakter. Hindi naging tipikal na isang mukha lamang ang kanilang maibibigay sa buhay ni Martha. Tulad ng kaniyang kapitbahay, naging nakakatuwa sila sa una, ngunit naipakita na sila rin ang may malasakit. Ang kaniyang panganay na anak naman ay maayos na naisagawa ang nakakainis na gampanin. Hindi lamang siya basta “masamang anak”; mayroon din siyang sariling hinanakit na nagpapaliwanag kung bakit ganoon ang kaniyang pakikitungo kay Martha.

Nabigyang hustisya ang disenyo ng entablado; lahat ng naroon ay essential—hawlang kasya ang tao, mga kahong upuan, at iilang gamit. Hawla bilang simbolo ng pagkakulong sa responsibilidad at anxiety, na maaaring sabihing laos o matanda ang simbolismo. Ganoon pa man, naging epektibo ito dahil literal na inilagay sa loob nito si Martha. Hindi lamang sinabi na nakakulong siya; nakita mismo ito ng manonood.

Ganoon din ang mananayaw na nagbibigay ng simbolismo sa kung ano ang nasa loob ni Martha. Kapag siya’y masaya, maririnig ito sa background music, sa kalayaang sumayaw, at sa tulong ng liwanag ng ilaw. Mapula kapag nakakabulag, puti kung maginhawa, at asul kapag nagde-deliver ng mensaheng madalamas masalimoot. Nagiging bahagi tuloy ng pagkukuwento ang katawan, ilaw, at musika, at hindi lamang palamuti sa isang musical play.

Ang paggamit ng kulay ng ibang damit ni Abby habang ang buong pamilya ay nakaputi ay pagyuyugyog sa mga pangyayaring darating. Doon makikita na sa isang naiibang damit ay may clue na hindi ito tunay na anak ni Martha. Gayundin ang pagbibigay-karakter sa batang babae. Una itong kumanta lamang kapag mag-isa si Martha, iyon pala ang kaniyang panganay na anak na nasawi.

Masasabi na napakaganda ng paglalatag ng mga elemento na maghuhula ang mga manonood, saka ibubunyag sa huli kapag nagkakaroon na ng diskusyon ang mga karakter. Iyon ang ugat para magkaroon ng “collective gasps” ang mga nanood. Ngunit higit sa pagkagulat, mas mahalaga na ang mga clue ay nagkakaroon ng bagong kahulugan pagkatapos ng rebelasyon. Dito naging matalino ang pagkakabuo ng dula.

Ang Hubad na Katotohanan

Hindi lang sa dula nakatuon ang pag-ungkat ng nakaraan ng mga tauhan, kundi pati sa isyu ng pandemya noon. Totoong para sa kalusugan ang mga restriksiyon, subalit ang kakulangan ng aksiyon at maling implementasyon ay nagpalala sa sitwasyon ng marami. Una na ang kahirapan ng mga pamilya: marami ang nawalan ng trabaho, at kasabay nito ang paglala ng mental health issues. Nasobrahan sa higpit, pero hindi naman sapat ang ayuda para sa iba na isang kahig, isang tuka. Kung walang trabaho, walang pera.

Isang magandang paraan ang musical play upang maipakita ang danas ng iba’t ibang tao at upang mabuksan ang mga mata ng mga may pribilehiyo. Ang isang problema ng bansa ay ang malaking agwat ng kapos kumpara sa mayroon. Sa dula, hindi lamang ito numero o balita; nagiging katawan ito ni Martha na isang taong nagugutom, nawawalan ng katinuan, at unti-unting nauubos.

Sa kabilang dako, itinaas ang kababaihan sa dominasyon ng mga babaeng karakter. Si Martha bilang isang ina at isang babae ay ipinakita kung gaano ikinulong sa hawla ang kaniyang pangarap dahil sa pagiging “laos at matanda.” NGunit dahil sa mga babaeng sumusuporta sa kaniya, tulad ng kaniyang may malasakit na kapitbahay, si doktora, at ang batang tinulungan niyang makahanap ng pampaopera, lahat sila ay tumutulong para maibsan ang bigat na kaniyang dala-dala.

Dito mas nagiging mahalaga ang hawla. Hindi lamang ito hawla ni Martha bilang isang indibidwal, kundi maaari ring basahin bilang hawla ng isang babaeng kailangang maging ina, tagapag-alaga, tagapagtaguyod, at tagapagsakripisyo. Kung ang pagiging mabuting ina ay laging sinusukat sa kung gaano karami ang kaya niyang isakripisyo, kailan naman siya maaaring mabuhay para sa kaniyang sarili?

Walang Himala. Hindi totoong nabaliw si Martha. Ang totoo ay gawa-gawa niya lamang iyon para umuwi ang kanyang mga anak at makita ang kanyang halaga. Siguro kung hindi siya nagbaliw-baliwan, hindi siya kakaawaan at tutulungan. Gayundin ang karanasan ng maraming babae sa lipunan. Madalas, kailangan munang maging lantad ang sakit o pang-aabuso bago seryosohin ang kanilang paghihirap at bigyan sila ng kalayaang magdesisyon para sa sarili.

Ang Sayaw sa Hawla

Siya ang tunay na patunay na ang sining ay politikal. Ang teatro ay nagsilbing salamin ng kuwento ng isang deboto, ina, babae, at Pilipino. Hindi kailangang direktang magtalumpati tungkol sa politika upang maging politikal ang isang dula. Sapat nang ipakita kung paano naaapektuhan ng kahirapan, pamilya, kasarian, at sistema ang isang ordinaryong tao.

Siyang tunay, na mas nabubuhay ang teatro ngayon at nakasuksok sa institusyon, kalye, at bahay. Sana maging malaya ang sining sa mga restriksiyong ibinibigay dito. Mula sa pagpapasilip nito hanggang sa tuluyang pagpasok sa kuwento ng dula, ang kuwento ng debosyon kay Ina ay kuwento ng lahat ng taong nagmamahal sa kabila ng hirap.

At kung si Martha ay nakakulong sa hawla, marahil ang tunay na tanong ay hindi lamang kung paano siya makalalabas dito, kundi kung sino ang unang nagtayo nito. Siya ba, ang kaniyang pamilya, ang kahirapan, o ang lipunang nagsasabing ang isang ina ay kailangang magsakripisyo upang matawag na mabuting ina?

Sa huli, unti-unting nahubad ng Sayaw ni Nanay ang damit ng isang simpleng kuwento ng debosyon at ipinakita ang mas magulong katawan nito. Isang kuwento ng gutom na makalaya, gutom na mahalin, gutom na manampalataya, at gutom sa sa katotohanan. At, sa gitna ng lahat ng iyon, patuloy pa ring sumasayaw si Martha—sa labas o sa loob man ng hawla.

ABOUT THE AUTHOR

David M. Barrameda

David M. Barrameda

Sports Writer