THEPILLARS/Feature

Sino ang Taya?

ByJohn Hector B. Pajares|23 September 2026

Mula sa madilim na kasaysayan ng Batas Militar hanggang sa kasalukuyang administrasyong Marcos, ang buhay at karapatan ng mga Pilipino ay tila naging isang mapanganib na laro ng tagu-taguan. Panahon na upang tapusin ang pananahimik at buong-tapang na lumabas sa dilim upang igiit ang pananagutan, katarungan, at tunay na kalayaan ng bayan.

Tagu-taguan, maliwanag ang buwan. Pagbilang kong tatlo, nakatago na kayo. 

Madali lang ang larong ito. 

Shhh ka lang. Huwag kang kikibo. Magtago ka nang hindi ka mahanap, sapagkat buhay mo ang nakataya.

Ito ang naging reyalidad ng milyon-milyong Pilipino nang mapasailalim ang buong bansa sa Batas Militar—isang siyam na taong panahon ng pagtatagong nilagdaan ni Ferdinand Marcos Sr. sa Proclamation No. 1081 noong 21 Setyembre 1972.

Sa pagwasak niya ng demokratikong sistema at pagtatag sa kaniyang diktadura, naging mahalagang sandata ang militar sa paghahanap sa mga kritiko at mga sumasalungat sa kaniyang rehimen. Pinalakas at pinatalas niya ito upang maging kasingmatyag ng buwan. 

At nang inanunsiyo ni Marcos Sr. sa bayan ang Batas Militar noong 23 Setyembre 1972, lantaran niya itong ipinamalas. Libo-libong katao ang inaresto ng militar, habang maraming publikasyon at mga estasyon ng telebisyon at radyo ang pinatahimik.

Hudyat ng ikatlong bilang; simula ng panahong mag-iiwan ng peklat na hindi kailanman maitatago sa kasaysayan ng Pilipinas.

Sa isang moske sa Mindanao, humigit-kumulang 1,485 na mga lalaking Muslim ang ikinulong. Ayon sa Commission on Human Rights, 148 sa kanila ang minasaker sa loob. 

Hindi lamang naging katayan at kulungan ang moske; naging palikuran din ito ng mga bilanggong muslim. Dating banal na dalanginan na dapat sana’y para sa pagsusumite sa Diyos ay naging pook para sapilitang magsumite sa isang huwad na diyos.

Ang iba namang mga bilanggo ay inilalabas nang pangkat-pangkat—tiglilima, tigsasampu—na pinagbabaril at inililibing sa mga hukay na sila mismo ang pinagbungkal.

Isa sa mga bilanggo ay si Sumel Antalin, na binaril sa loob ng moske at sa harap ng kaniyang asawang si Aminay Gunay, isa sa 3,022 kababaihan at batang ikinulong sa mga barkong nakadaong malayo sa dalampasigan.

Apat na araw silang ibinilad sa tindi ng araw, gutom at uhaw. Ang bunso sa lima niyang anak ay namatay sa barko at itinapon lang sa dagat, gaya ng iba pang mga batang namatay sa barko. 

Ayon sa kaniyang salaysay, ginagahasa rin ang mga babae.

“Mainit, mahirap, gutom. Ang mga bata ay nagkakasakit. Halos may namamatay araw-araw. May mga ginawa din sa mga babae. Para kaming mga baboy na nag-aagawan ng pagkain pag nagsaboy sila ng mga pagkain.”

Isinalaysay rin ni Aminay na matapos ang apat na araw sa barko ay dinala sila sa Culong-culong. 

“Mga lampas two months kami sa Culong-culong. May mga batang namatay. Ang babae ay inabuso. Parang kulungan ang lugar, ‘di kami basta-basta makalabas.”

Ang karanasang mga ito ay bahagi lamang ng mas malawak pang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar. 

Nagpatuloy ito hanggang 1981 at umabot sa 70,000 ang dinakip at na-detain, 34,000 ang tinortyur, at 3,240 ang pinaslang. Sa loob nitong siyam na taon, maraming Pilipino ang napilitang magtago upang makaiwas sa dahas ng militar.

NGunit sa kabila ng banta, may mga aktibista, estudyante, at mamamahayag na naglakas-loob na kumibo at tumangging manahimik. Sila ay bumuo ng tinatawag na underground mosquito press—mga lihim na publikasyong naging mahalagang bahagi sa paghikayat sa bayan na kumilos at maghanap ng katarungan, na kalaunan ay humantong sa pagpapatalsik kay Marcos noong 1986.

Ang madilim na panahong ito ay may dalang aral: maayos na pamamahala ay lagi’t lagi nating hanapin upang hindi na maulit ang pait ng nakaraan. 

NGunit may nakakapagpabagabag na paraan ang kasaysayang maghanap ng daan upang gumapang pabalik sa ating mga buhay. 

Noong 2022, muling naupo sa kapangyarihan ang isang Marcos.

Sa pagkapangulo ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., isinulong niya ang kaniyang platapormang Bagong Pilipinas—isang bagong anyo ng lumang pangakong Bagong Lipunan ng kaniyang ama. Isang lipunang magbabaon sa dahas, kagutuman, karukhaan, katiwalian, at panlilinlang, ngunit sa halip, iniwang nag-uumapaw sa mga ito—at siyang kalakarang minana ni Bongbong Marcos. 

Sa ilalim ng kaniyang administrasyon, hindi pa rin ligtas sa dahas ang mamamayan kung pinangungunahan ng hinala ang sala. Patunay rito ang iniulat ng Philippine Collegian na pag-target sa mga raliyistang nakasuot lamang ng itim o balaclava matapos ang kilos-protesta sa Mendiola noong 21 Setyembre 2025. 

Bukod pa rito, sa loob ng apat na taon, humigit-kumulang 260 insidente ng pag-atake laban sa malayang pamamahayag ang naitala ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP).

At hanggang ngayon, hindi pa rin nai-impeach si Sara Duterte at napapanagot ang mga politikong nagtago ng mga pondong dapat sana’y inilaan sa ating mga komunidad.

NGunit hindi lamang yaman ng bayan ang nakataya, kundi pati ang ating likas na yaman. Sa paglahok ng Pilipinas sa Pax Silica, isinasailalim ni Bongbong Marcos ang bansa sa bantang lubusang maging tuta ng Estados Unidos. Gagatasin lamang nito ang ating likas na yaman, nanakawin ang lupa ng mga mamamayan, at ang matitira sa atin ay pagpag na mga trabaho lamang.

Magkaiba man ang anyo ng sugat sa magkaibang panahon nina Marcos Sr. at Marcos Jr., iisa lamang ang hapding iniinda natin. 

Kaya sa panahong ito, higit kailanman, kailangan nating mamulat at huwag magbulag-bulagan upang patuloy na hanapin ang dignidad na karapat-dapat sa ating bansa.

Lagi’t lagi na tayo ang dapat na naghahanap.

Naghahanap ng pananagutan.

Naghahanap ng kalayaan.

Naghahanap ng katarungan.

Sino ba kayong mga nasa pamahalaan upang magpasya kung sino ang taya, kung sino ang hahanapin, patatahimikin, at magtatago at kung ano ang itatago?

Panahon nang rebisahin ang mekaniks ng tagu-taguan na pilit na pinalalaro ng ating pamahalaan. NGunit ito’y hindi kailanman dapat naging palaruan—at ang bawat sangkot, dapat managot.

ABOUT THE AUTHOR

John Hector B. Pajares

John Hector B. Pajares

Photojournalist