Tuwing Halloween, kadalasang inaabangan ng mga bata ang pagkatok sa pintuan ng mga tahanan para sa trick or treat. Walang kasiguraduhan kung uuwi sila nang may kendi o kaya nama’y makatatanggap ng pagtanggi sa kanilang ninanais. Ngunit sa Pilipinas, maihahalintulad din ang ganitong kawalang-katiyakan sa mga pangakong proyekto na naglalaho na parang multo. Tulad lamang ng larong trick or treat, ngunit sa katapusan, ang matatanggap ng mga mamamayang Pilipino ay panlilinlang imbes na serbisyo at proteksyon.
Sa bansang ito, tila may mga multo na kahit hindi Halloween, nandyan sa paligid upang magpakita. Hindi sila mahahanap sa mga madidilim na lugar, kundi sa mga proyektong dapat sana’y nagsisilbing panangga ng mamamayan laban sa sakuna.
Sa huli, ang tunay na katatakutan ay hindi ang multong nagkukubli sa dilim, kundi ang mga proyektong dapat sana’y nagpoprotekta sa buhay ng mga Pilipino ngunit umiiral lamang pala sa papel.
What is a ghost project?
Ang tinatawag na ghost project ay isang anyo ng korapsyon kung saan idinideklara ng mga opisyal sa gobyerno na tapos na ang isang proyekto kahit hindi pa ito naisasagawa o hindi naman talaga umiiral sa itinakdang lugar. Sa kontekstong ito, maaaring nakasaad sa mga opisyal na dokumento na naipatupad na ang isang proyekto, ngunit sa katotohanan, tila isang multo ang umaaligid sa mga mamamayang Pilipino na tunay na pinagmumulan ng takot.
Kasabay ng paglaho sa hangin ng mga proyektong ito ay ang milyon-milyong halaga ng pera mula sa bulsa ng mga mamamayang Pilipino na ipinagkatiwala sa pamahalaan.
Para saan nga ba ang mga proyektong ito? Ang mga estruktura tulad ng flood control systems at iba pang itinatayo para protektahan ang buhay ng mga Pilipino ay nilalayong mabawasan ang panganib tuwing sakuna at mapanatiling ligtas ang mga komunidad. Ngunit kung ang mga ito ay umiiral lamang sa papel, nananatili din itong pangakong walang laman para sa mga mamamayan. Sa oras ng kapahamakan, walang pisikal na estruktura na maaasahan ang mga pamilyang Pilipino na dapat sana’y pinangangalagaan ng mga proyektong ito.
Ang tunay na pinsala ng ghost projects na ito ay nararanasan ng mga mamamayang Pilipino. Maliban sa pondong pampubliko na napupunta sa wala, ang serbisyong maaaring makapagsalba ng mga buhay ay naglalaho rin. Sa bawat proyektong hindi naipatutupad, patuloy na nailalagay sa panganib ang buhay ng mga pamilyang Pilipino—hindi lamang sa sakuna, kundi sa proteksyon na dapat sana ay kanilang nararanasan.
Why are they funded?
Ang Pilipinas ay madalas na nakararanas ng mga sakuna tulad ng malalakas na bagyo, pag-ulan, at pagbaha. Dito nagiging tunay na mahalaga ang mga proyekto na magbibigay proteksyon sa buhay ng bawat mamamayang Pilipino. Ayon sa World Bank, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang lubhang lantad sa mga sakuna.
Dahil dito, mahalagang maglaan ng pondo sa mga estruktura gaya ng flood control systems upang mabawasan ang panganib sa mga komunidad. Lalong mahalaga ang mga ito sa mga lugar na madaling bahain, kung saan maaaring malagay sa panganib ang mga tahanan, kabuhayan, at buhay ng mga residente kapag walang sapat na proteksyon.
Ang pagpopondo sa mga proyektong ito ay bahagi ng tungkulin ng pamahalaan na magbigay ng mga serbisyong kinakailangan ng mamamayan at maghanda laban sa mga posibleng sakuna. Hindi basta mga estrukturang itinatayo ang mga ito—bawat isa ay may layuning tugunan ang mga panganib na kinakaharap ng mga komunidad.
Ang pera na ipinapagkatiwala ng mga mamamayan sa gobyerno ay hindi lamang mga numero—kumakatawan ito sa pag-asa na tapat na serbisyo ang kanilang matatanggap.
Kapag ang isang proyekto ay naglaho sa dilim na parang multo, hindi lamang pera ang nawawala, kundi ang saysay ng pondong dapat sana’y magsisilbing proteksyon sa bawat Pilipino. Sa huli, ang tanong ay: nasaan ang serbisyong ipinangako ng mga taong nakaupo sa taas? Paano na lamang ang mga Pilipinong umaasa at nagtitiwala sa gobyerno na dapat sana’y kasama nila?
Impact on the ordinary Filipino people
Maraming tanong ang maaaring sumagi sa isip natin bilang mamamayan ng bansang ito: nasaan na nga ba ang mga pangakong tila naging multo at tuluyan nang nabaon sa hukay? Marami sa atin ang apektado sa mga ghost project ng gobyerno, na tila ba ay wala silang pakialam kung ano man ang mangyari sa mga taong dapat ay pinagsisilbihan nila at mga salapi na kinuha nila na nagiging rason ng kanilang pagyaman. Samantala, ang mga ordinaryong mamamayang Pilipino ay naghihirap sa mga walang kwentang proyekto na tila hindi maayos at napapakinabangan.
Marami na ang naghihirap sa sistema ng bansa natin ngunit tila sinasawalang bahala na lamang nila ito, may ipakita lang sila sa media na proyekto ay akala nila ayos na at may pundasiyon na.
Sabihin na nating sanay ang mga Pilipino sa mga kalamidad katulad ng baha na tila lumalala na lang kada taon, pero ito ba ang dapat na pagtrato nila sa atin? Pera ng taong bayan ang pondo na ginagamit sa mga proyektong ito, ngunit mas nakukuha pa nilang palakihin ang kanilang sariling bulsa.
Kung buhay pala ang nasawi sa kanilang kapabayaan, may magagawa ba ang pagiging trickster nila? Maibabalik ba ang mga buhay na dapat ay hindi nakakaranas ng bulok na sistema? Binoto sila ng taong bayan para maglingkod, hindi para magnakaw at hindi para akitin ang mga Pilipino sa mga pangakong naging multo.
Sa barangay San Francisco, Baao, Camarines Sur, hindi na kailangan magkwentuhan ng kababalaghan para makaramdam ng takot. Sa ulat ng GMA Integrated News noong Setyembre 3, 2025, tila iniwang hindi pa tapos ang isang mahigit limang kilometrong riprap road na inaasahang makakatulong para sa proteksyon ng mga residente laban sa baha. Nang nanalasa ang Bagyong Kristine noong Oktubre 2024, iniulat ng mga residente na umabot hanggang ulo ang tubig-baha sa ilang bahagi ng barangay.
Kung ang layunin ng isang proyekto ay magbigay proteksyon, bakit tila proteksyon pa rin ang hanap ng mga residente? Hindi ba at dapat kusa na dapat itong ibinibigay? Na dapat ang flood control ay panangga sa baha, hindi dagdag sa listahan ng mga problemang kailangan nilang harapin?
At hindi lamang sa Baao naroon ang kagimbal-gimbal na suliranin, sa San Jose, Camarines Sur, noong Setyembre 17, 2025, na may bahaging bumagsak sa isang hindi pa tapos na flood control project na nagkakahalaga ng 121 milyon.
121 milyon—halagang hindi basta basta mahahanap sa ilalim ng kama, sa bulsa ng pantalon, o sa alkansya na karaniwang pamilyang Bicolano. Kaya naman makatwirang itanong: paano tinitiyak ang kalidad ng mga proyektong nagkakahalaga ng ganito kalaki? Ano ang mga pamantayang sinusunod sa konstruksyon? At sino ang mananagot kung napatunayang may kapabayaan o irregularidad?
Dahil sa Bicol, hindi na naging biro ang baha, sa Naga City, iniulat ng DSWD Field Office V na 64,719 pamilya o 249,660 indibidwal ang naapektuhan ng Bagyong Kristine. Umabot sa 172 bahay ang tuluyang nawasak at 2,790 ang bahagyang nasira. Maghihintay pa ba tayo bago dumami pa ang napipinsala dahil sa kapabayaan ng gobyerno sa atin? Hindi ba tayo kinikilabutan sa mga paghihirap nila sa atin bilang isang Pilipino?
Sa likod ng mga numerong ito ay mga pamilya na kailangan maglinis ng putik sa kanilang tahanan, magpalit ng mga sirang kagamitan, at magsimulang muli kahit hindi pa lubusang nakakabangon. Para sa kanila, hindi simpleng dekorasyon para sa Halloween ang mga sirang bahay at basang gamit, hindi rin props ang kanilang mga pangamba dahil totoong buhay na ang nakataya para sa maraming mamamayan na patuloy nangangamba sa mga kapabayaan ng mga may kapangyarihan.
Sa ganitong kalagayan, ang bawat proyektong hindi natatapos at bawat irregularidad na hindi nasisiyasat ay nagiging dagdag na dahilan upang magtanong ang publiko. Bakit? Bakit nila ito nararanasan? Hindi ba at ito ang nakakatakot? Nakakakilabot isipin, kung may pondong inilaan para sa proteksyon, nasaan ang proteksyon na dapat ay ibinibigay sa taong bayan? Kung may proyektong ipinangako nang matatapos, nasaan ang resulta? At kung may pagkukulang, sino ang mga mananagot para sa kapabayaan?
Ngayong Halloween, habang abala ang ilan sa paghahanap ng multo sa mga abandonadong bahay, marahil ay mas makabubuting tingnan din ang mga proyektong matagal nang ipinangako ngunit hindi pa maayos na napakikinabangan. Baka sakaling ang multong hinahanap natin ay hindi nakatira sa lumang mansiyon o mga puno ng Balete, kundi nasa mga dokumento at pondo na kailangan siyasatin.
Kaya sa susunod na marinig ang katagang trick or treat (italic), may isa pang tanong na dapat i-bato sa mga taong dapat ay nagsisilbing maayos sa mga mamamayang Pilipino: “Nasaan ang mga project?”
Dahil sawa na ang mga Pilipinong sa trick na puro pangako at treat na hindi naman nila maramdaman, hindi nila kailangan ng proyektong nagpaparamdam lang kapag may inspeksiyon o ng imprastraktura na tila naglalaho kapag may bagyo. Ang kailangan nila ay mga proyektong tunay na gumagana, mga pondong malinaw kung saan ito napupunta, at pananagutang dapat hindi nila tinatakasan.
Sa huli, ang pinaka nakakatakot na multo ay hindi ang walang mukha o walang anino. Ito ay ang problemang paulit-ulit na bumabalik dahil walang malinaw na sagot, walang sapat na aksiyon, at walang napapanagot.
The role of accountability
Kung may isang bagay na kinatatakutan ang mga proyekto na tila ngayon ay minumulto na tayo, iyon ay ang liwanag ng katotohanan na tila mas nauna pa na mabaon sa hukay. Sa likod ng bawat pondo na inilaan para sa flood control, kalsada, at iba pang imprastraktura, nararapat na may malinaw na rekord kung saan napupunta ang pera, sino ang kontratista, kailan dapat matapos ang proyekto, at kung natupad ba ang mga pamantayang itinakda. Dahil pera ng bayan ang ginagamit, karapatan ng mamamayan na malaman kung paano ito ginagastos.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12009 o New Government Procurement Act, itinataguyod ang transparency, accountability, at patas na proseso sa pagbili at pagkuha ng mga serbisyo at proyekto ng pamahalaan. Mahalaga rin ang Republic Act No. 10173 o Data Privacy Act sa pagprotekta sa personal na impormasyon, ngunit hindi ito dapat gamiting pangkalahatang dahilan upang itago ang mga dokumentong nararapat maging pampubliko.
Mas nakakatakot ang mga ghost project kaysa sa mga multong kinatatakutan tuwing Halloween. Natatapos ang mga katatakutan na ito kapag namatay na ang mga kandila, nakahubad na ang mga costume, at nakatago na ang mga dekorasyon. Ngunit ang mga epekto ng mga proyektong ito ay hindi basta nawawala kasabay ng pagtatapos ng Halloween.
Patuloy nilang minumulto ang mga pamilyang nawalan ng tahanan dahil sa baha, ang mga magsasakang nawalan ng ani, at ang mga komunidad na nangangambang muli na namang malagay sa panganib sa susunod na bagyo. Hindi kathang-isip ang mga multong ito, sapagkat nag-iiwan sila ng tunay na pinsala, nawawalang oportunidad, at mga buhay na pilit bumabangon mula sa mga pangakong tila hindi na natutupad.
Maaaring maglaho ang mga multo pagsikat ng araw, ngunit ang mga multo ng kapabayaan ay nananatili hangga’t walang pananagutan. Kaya ngayong panahon ng katatakutan, ang tunay na horror ay hindi ang multong biglang sumusulpot sa dilim, kundi ang pondong nawawala sa kaban ng bayan habang ang mamamayan ang nagdurusa.
Panahon nang buksan ang mga rekord at sindihan ang ilaw sa mga sulok na matagal nang nababalot ng tanong at kilabot para sa mga kapwa natin mamamayan, dahil kung malinis at maayos ang kanilang trabaho, hindi dapat nila kinatatakutan ang mga inspeksiyon. Kung tama ang paggamit ng pondo, hindi dapat maging misteryo ang mga dokumento, at kung tunay na para sa bayan ang isang proyekto, nararapat lamang na makita ng bayan ang bunga nito.
Ngayong Halloween, huwag nating hayaan ang mga ghost project ay mananatiling multong walang mga nailalantad at nagpapakita ng mga pangalan, walang paliwanag, at walang nananagot. Kung ang mga proyekto ay pinondohan ng pera ng bayan, nararapat lamang na makita ng bayan ang bunga nito, dahil ang tunay na katatakutan ay hindi lamang ang perang nawawala na galing sa taong bayan, kundi ang tiwalang unti-unting namamatay habang ang mamamayan ang patuloy na nagdurusa sa trato nilang hindi makatarungan. Sapat na ang mga pangakong nagpaparamdam tuwing eleksyon at naglalaho pagkatapos maupo sa pwesto, panahon na upang maningil ng katotohanan, humingi ng malinaw na sagot, at igiit ang serbisyong tunay na nararamdaman ng bawat Pilipino.
