THEPILLARS/Statements

Walang Puwang ang mga Kinatawan ng Pang-aapi at Henosidyo

ByThePILLARS Publication|7 October 2026

Mariing kinokondena ng ThePILLARS Publication ang naging malugod na pagtanggap ng pamahalaang lokal ng Naga at ng Bicol University sa embahador ng Israel, sa gitna ng walang-habas na pananalasa ng estadong ito sa mga sibilyan, institusyong pang-edukasyon, at mamamahayag sa Gaza. Naninindigan ang publikasyon na walang puwang sa ating mga pamantasan at komunidad ang mga kinatawan ng pang-aapi, dahil ang laban para sa karapatang pantao at kalayaan sa pamamahayag ay hindi napipili at walang hangganan.

Mariing kinokondena ng ThePILLARS Publication ang pagbibigay-entablado at malugod na pagtanggap ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Naga at ng Bicol University sa Albay sa kinatawan ng Estado ng Israel.

Hindi namin tinututulan ang karapatan ng alinmang pamahalaan na magtatag ng ugnayang diplomatiko. Subalit, mariin naming kinukuwestiyon ang pasya ng mga pampublikong ahensya at mga institusyong pang-edukasyon na bigyang-pugay, espasyo, at plataporma ang kinatawan ng isang estadong kasalukuyang nahaharap sa matinding pandaigdigang pagkondena dahil sa malulubhang paglabag nito sa pandaigdigang makataong batas sa gitna ng pananakop at henosidyong isinasagawa nito sa Palestina.

Dati nang ipinagmalaki ni Dana Kursh, kasalukuyang embahador ng Israel, na dati siyang nagsilbi sa Israel Defense Forces (IDF). Sa patuloy na pananalasa sa Palestina, libu-libong sibilyan, kabilang ang mga walang-muwang na bata, ang pinaslang. Malawakan ding winasak ang mga kabahayan, ospital, paaralan, unibersidad, at iba pang pampublikong impraestruktura. Kabilang sa mga nagbuwis ng buhay ay ang mga mamamahayag na nag-uulat mula mismo sa sentro ng labanan, na buong-tapang na hinaharap ang matinding panganib upang gampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin.

Para sa ThePILLARS, ang usaping ito ay hindi kailanman maihihiwalay sa usapin ng kalayaan sa pamamahayag.

Ang pamamahayag ay nakaugat sa karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan, lalo na sa panahon ng krisis at digmaan. Sa tuwing may pinapaslang na peryodista, winawasak na newsroom, o sinusupil na pag-uulat, hindi lamang ang indibidwal na mamamahayag ang pinagkakaitan. Sapilitang binubulag ang buong daigdig at idinidiskaril ang paniningil ng pananagutan. Dahil dito, hindi namin mapapalampas ang pagbibigay ng espasyo sa mga kinatawan ng isang estadong naging pangunahing suspek sa marahas at malawakang pagyurak sa karapatang pantao.

Lalong hindi ito katanggap-tanggap sa loob ng mga pamantasan.

Ang unibersidad ay nagsisilbing balwarte ng malayang kaisipan, kritikal na pagsusuri, at pagtatanggol sa katotohanan. Partikular na nakababahala ang sadyang pagwasak sa sistema ng edukasyon sa Gaza (scholasticide). Ang mga paaralan at unibersidad ay kanlungan kung saan hinuhubog ang kinabukasan ng isang lipunan. Ang sistematikong pagdurog sa mga institusyong pang-edukasyon sa Gaza ay direktang atake sa karapatan ng mga Palestino na matuto at ibangon ang kanilang bayan. Bilang publikasyong pangmag-aaral, hinihikayat namin ang Bicol University na pagnilayan ang mensaheng naipaaabot ng ganitong pagtanggap sa mga estudyante tungkol sa karapatang pantao, akademikong kalayaan, at hustisya.

Gayundin, hinahamon namin ang lokal na pamahalaan ng Naga, lalo na si Mayor Leni Robredo, na patunayan at panindigan ang ipinagmamalaki nitong pagiging "makatao." Ang pagtanggap sa embahador para sa isang courtesy visit sa mismong City Hall ay isang nakadidismayang pagtalikod sa mga prinsipyo ng dignidad at katarungan. Ang diplomasya ay hindi kailanman dapat maging dahilan upang isantabi ang kapakanan ng inaapi.

Ang aming paninindigan ay hindi nakakulong sa pader ng iisang pamantasan. Bilang publikasyong pangmag-aaral, naninindigan kami na ang kalayaan sa pamamahayag ay hindi pinipili lamang kapag ito ay maginhawa. Ang pagtatanggol sa mga peryodista sa Pilipinas ay nakakawing sa pagtatanggol sa mga peryodista saanmang panig ng daigdig. Ang pagtatanggol sa karapatan ng mga estudyanteng Bikolano na matuto nang malaya ay hindi maihihiwalay sa karapatan ng mga estudyanteng Palestino na mabuhay, mag-aral, at mangarap nang walang bahid ng digmaan at karahasan.

Ang pananahimik sa gitna ng kalupitan ay hindi neutralidad. Pagdating sa karapatang pantao at kalayaan sa pamamahayag, pananagutan nating magsalita at pumalag.

Hindi kami magbubulag-bulagan sa karahasan. Hindi kami tatahimik sa harap ng pang-aapi.

Defend Press Freedom!

Stand for Human Rights!

Justice for all journalists killed by Israel!

Free Palestine!

ABOUT THE AUTHOR