BAGAMA’T IKINAGAGALAK ni Cora Jazmines ang desisyon ng Court of Appeals (CA) at ang kasamang protective writs nito, nananatili pa ring panawagan ang matagal niya nang panawagan: ang ilitaw ang nawawalang asawang si James Jazmines at ipanagot ang mga may kinalaman sa sapilitang pagkawala nito.
“Sa lahat ng exercise na ‘to, [ang gobyerno] ang kailangan na magpatunay na seryoso sila sa pagmamalasakit sa mga pamilya ng mga nawawalan at sa kaligtasan ng nawawala. Kasi one day late means a life, lalong nasa peligro.” wika ni Jazmines sa interbyu noong 22 Enero.
Ikinadidismaya niya ang bagal ng takbo ng kaso, taliwas sa “swift judicial remedy” na nakasaad sa patakaran ng writ of amparo. Matatandaang inabot ng walong buwan ang Korte Suprema bago maiabot nito sa CA ang desisyon noong Hulyo ng 2025.
Isang taon at limang buwan nang nawawala ang asawa niyang si James Jazmines, isang labor leader at cyclist na dinukot sa Tabaco, Albay noong 23 Agosto 2024. Alala ni Cora Jazmines, “Hindi ko pa asawa si James, dinadala niya na ako para bumisita sa pamilya ng nawawalan.”
Limang araw matapos ang insidente, ang kaibigan niya namang si Felix Salaveria Jr., kapwa cyclist at isang environmental activist, ang dinukot sa mismong siyudad, na siya ring ipinagkalooban ng parehong writs noong Hulyo ng 2025. Dalawa sila sa 15 aktibong kaso ng enforced disappearance sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.
Sa desisyon ng CA na pinetsahang 14 Enero, ikinumpirmang biktima ng enforced disappearance si James Jazmines at idineklarang responsable ang limang kataas-taasang opisyales ng Philippine National Police (PNP), kabilang na sina Former PNP Chief Nicolas Torre III at Tabaco City Chief of Police PLt. Col. Edmundo A. Cerillo Jr., dahil sa kanilang pagkabigong magpakita ng “extraordinary diligence” na kinakailangan sa pag-imbestiga ng pagkawala nito.
Bagama’t sinubukan ng partidong pulisyang ipasawalang-bisa ang petisyon, iginiit ng CA na ipinalalakas lamang ng kanilang mga argumento ang karapatan ni Cora Jazmines sa proteksyon ng writ of amparo, at pati na rin ng habeas data.
Nagsisilbing legal na lunas ang writ of amparo para sa buhay ng isang biktima ng extrajudicial killing o enforced disappearance, na nanganganib dahil sa ilegal na gawa o kapabayaan ng isang opisyal o pribadong indibidwal. Kapag naman ang buhay ng tao’y nanganganib dahil sa mapang-abusong pangongolekta o pagkalat ng impormasyon ng opisyal tungkol sa kanya, writ of habeas data ang nagpupuwersang ayusin o burahin ang nasabing impormasyon at nagdedepensa sa seguridad ng nasabing tao.
Pinag-uutos ng korte ang awtoridad na magsagawa ng mas masuri at puspusang pag-iimbestiga, partikular na rito ang pagpapatibay ng kaukulang ebidensya, pakikipag-ugnay sa ibang mga ahensya ng gobyerno, at pagsumite ng detalyadong ulat ng ginawa nilang mga hakbang sa loob ng 90 araw.
Kaugnay nito, giit ni Jazmines na nasa balikat ng estado ang “burden of proof” na patunayang seryoso ito sa pagbibigay-proteksyon at hustisya sa kanilang pinaglilingkuran: “Nasa sa kanila [ang] lahat—they have the authority, they have the resources. They should prove to us that they are worthy of the authority, of that trust.”
Bukod pa rito, ibinanggit ni Jazmines ang komunidad nila ng iba pang mga pamilya ng desaparecidos, na nagsisiyahan sa kabila ng lungkot at ipinaglalaban ang adbokasiya ng nawawalang mga mahal sa buhay. Hiling nilang lahat, walang ibang makaranas ng ganitong inhustisya—sapagkat wala silang ibang kasalanan kundi ang ipaglaban ang karapatan ng mga mamamayan.
“Ilitaw ang mga nawawala, itigil ang pandurukot, itigil ang enforced disappearance,” nanawagan si Cora Jazmines sa gobyerno, “Ilitaw sila o ilitaw ang katotohanan. Kung hindi nila mailitaw ang [katawan], ilitaw nila ang katotohanan.”




