ThePILLARS logo

THEPILLARS/EDITORIAL

Bako-bakong Danas

Bako-bakong Danas

Maria Jayneze Navo/ThePILLARS

SA MGA Bikolano, may isang salitang hindi na kailangang ipaliwanag: taragadol. Ito ang salitang ginagamit upang ilarawan ang biyahe sa Andaya Highway: isang walang humpay na pag-alog ng katawan, isip, at pasensya. Isa itong literal at araw-araw na danas ng libu-libong pasahero. Ang Andaya Highway ay hindi lamang kalsada; isa itong karanasang pumapalo sa gulugod at bumabangga sa karapatan ng mamamayan sa ligtas at makataong transportasyon.

Tinaguriang pinakamaikling ruta mula Quezon patungong Naga at karatig-probinsya, binuksan sa publiko ang Andaya Highway noong 1984 upang pagtibayin ang pampublikong transportasyon ng Camarines Sur at mga kalapit-bayan. Sa loob ng mga dekada, ito ang nagsilbing pangunahing daanan ng mga Bikolanong lumuluwas at umuuwi sa kani-kanilang probinsya. Ngunit taliwas sa adhikaing magaang biyahe, ang Andaya Highway ay tuluyang napag-iwanan ng panahon. Baku-bakong daan, malalalim na potholes, taon-taong reblocking, at matinding trapiko ang naging normal na mukha nito. Ang taragadol ay naging pang-araw-araw na pasanin—isang malinaw na produkto ng dekada-dekadang pagkukulang ng gobyerno.

Ang bawat tagtag sa Andaya Highway, lalo na para sa mga lulan ng pampublikong sasakyan, ay salamin ng palyang pagtugon ng estado sa maayos at inklusibong pagpapaunlad ng imprastraktura at transportasyon, gayundin sa kaligtasan ng mamamayan. Hindi ito simpleng usapin ng kakulangan sa kaalaman ng mga inhinyero o kawani ng pamahalaan. Matagal nang alam ang mga teknikal na salik, kabilang ang katangian ng lupa sa bahaging ito ng Maharlika Highway. At hindi rin ito maaaring ituring na kawalan ng interbensyon: paulit-ulit ang pagkukumpuni, paulit-ulit ang reblocking.

Ngunit paulit-ulit ding pinatutunayan ng mga ito na ang mga hakbang ng gobyerno ay hindi angkop bilang pangmatagalang solusyon. Ang patuloy na paglala ng kondisyon ng Andaya Highway ay nag-uugat sa paglabag sa pamantayang pangkalsada, kawalan ng malinaw na pananagutan sa mga opisyal na responsable rito, at isang sistematikong kulturang korap na humahadlang sa pagpapatupad ng tunay at matibay na solusyon.

Para sa mga Bikolano, malinaw ang epekto. Ang Andaya Highway ang pangunahing land bridge ng rehiyon patungo sa kalakhang Luzon. Kapag ito ay bumigay, napuputol ang suplay ng pagkain, humihina ang daloy ng kalakalan, at nalalagay sa alanganin ang akses sa serbisyong panlipunan. Sa isang rehiyong matagal nang napag-iiwanan, ang taragadol ay hindi lamang abala kundi isa ring anyo ng istruktural na karahasan.

Hindi lamang Bikol ang apektado. Bilang bahagi ng Maharlika Highway, kritikal ang Andaya Highway sa koneksyon ng Luzon sa Visayas at Mindanao. Dito dumaraan ang mga kargamentong patungong mga pantalan at roll-on, roll-off ports. Ang bawat lubak ay dagdag gastos sa transportasyon, dagdag panganib sa biyahe, at kalaunan, dagdag presyo ng mga bilihin sa buong timog ng bansa. Ang kapabayaan sa Andaya Highway ay hindi lokal na problema kundi pambansang pasanin at patunay kung paanong patuloy na napapaboran ang Imperial Manila habang napag-iiwanan ang mga probinsya.

Sa ganitong konteksto, hindi dapat purihin si DPWH Secretary Vince Dizon sa kanyang unang pagbibiyahe patungong Bikol sakay ng bus. Ang pagsakay sa bus, lalo na kung ito ay may lazyboy seat at malayo sa karanasan ng ordinaryong pasahero, ay hindi malasakit kundi obligasyon. Hindi ito anyo ng heroismo, at lalong hindi ito sapat na patunay ng pananagutan. Ang personal na exposure sa problemang matagal nang alam ng kanyang ahensya ay bare minimum, hindi dahilan para sa papuri.

Gayundin, hindi dapat ituring na pambihirang tagumpay ang pag-angat ni Third District Congressman Nelson Legacion ng isyu sa antas nasyonal. Ang pagdadala ng hinaing ng nasasakupan sa pambansang diskurso ay pangunahing tungkulin ng isang mambabatas. Hindi ito dapat palakpakan, lalo na kung nananatiling taragadol ang biyahe matapos ang mga pahayag.

Mas lalong hindi dapat purihin, kundi mariing tuligsain, ang apresuradong pagkilos ng mag-aamang Villafuerte at ng kanilang kaalyadong si Hori Horibata sa pagsasaayos ng lansangan dahil lamang sa nalalapit na pagbisita ng hepe ng DPWH. Ang biglaang pagpapakinis ng kalsada kapag may bisita mula Maynila ay hindi patunay ng malasakit, kundi lantad na pagpapakita ng reaktibo at oportunistang pamamahala. Kung tunay na prayoridad ang kapakanan ng mamamayan, bakit kailangan munang may inspeksyon bago kumilos?

Ang Andaya Highway ay patunay ng isang sistematikong problema: paglabag sa pamantayang pangkalsada, kawalan ng pananagutan, at kulturang pampulitika na inuuna ang photo opportunity kaysa pangmatagalang solusyon. Hangga’t ang parehong mga pangalan ang may hawak ng kapangyarihan, pondo, at impluwensya at walang malinaw na nananagot, mananatiling taragadol ang biyahe ng mamamayan.

Ang hinihingi ay hindi himala kundi pananagutan: isang komprehensibo at pangmatagalang rehabilitasyon ng Andaya Highway, malinaw na pamantayan sa konstruksyon, transparency sa pondo, at paniningil sa mga opisyal na nagpabaya. Hangga’t hindi ito natutupad, bawat tagtag sa Andaya Highway ay mananatiling ebidensya ng kabiguan ng estado. Ang bawat biyahe, isang paalala na ang karapatan sa ligtas na transportasyon ay patuloy na isinasantabi.

ABOUT THE AUTHOR

ThePILLARS Publication

ThePILLARS Publication