SA ISINAGAWANG inspeksyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH), iginiit ni Secretary Vince Dizon na prayoridad ng ahensya ang pagsasaayos ng Maharlika at Andaya Highway sa Kabikolan, matapos personal niyang makita ang mahinang kalagayan ng mga kalsada sa rehiyon.
Nilinaw ni Dizon na kontraktor pa rin ang hahawak sa mga proyekto ng DPWH sa rehiyon, upang matiyak na lokal ang mangangasiwa. Ito ang kanyang pahayag sa isang pampublikong talakayan noong 17 Enero sa Naga City People’s Council (NCPC), Jessie M. Robredo Coliseum, Naga City.
Para mabantayan ang proyekto, magkakaroon ng kolaborasyon ang DPWH at mga lokal na civil society organization (CSO), tulad ng Bikol Laban sa Korapsyon (BLK). Layunin nitong bigyang-daan ang komunidad na makapagbigay ng feedback bago ipasok ang pondo, alinsunod sa isinusulong na Memorandum of Cooperation ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Ang mga CSO ay may kapangyarihan na kumuha ng larawan, magdokumento ng kalagayan ng proyekto, at magsumite ng ulat sa DPWH kung may makikitang kahina-hinalang detalye. Ayon sa ahensya, maa-access din sa publiko ang kanilang website na may impormasyon sa pagpopondo ng mga proyekto kapag nagsimula ang implementasyon sa Abril.
“April is the latest [na magsimula ang proyekto]. Sisimulan ngayon at kailangan ng tagapagbantay dahil kontraktor pa rin ang hahawak nyan,” pahayag niya.
Sa kabilang dako, sinabi ni Dizon na hindi muna pagtutuunan ng DPWH ang mga bagong proyekto, kundi uunahin ang mga nakatenggang kalsada. Aniya, posibleng umabot sa limang taong budget ng ahensya ang kakailanganin upang matapos ang mga kasalukuyang proyekto.
“Ayaw ko magsimula ng bago [na proyekto] dahil madami ang hindi natapos.” dagdag nya, “5 years na budget siguro ng DPWH ang mauubos at kailangan para matapos ang pending [projects],” dagdag pa ng kalihim.
Kabilang sa mga prayoridad na aayusin ang Maharlika Highway, na nagdurugtong sa mga lungsod ng Daet, Naga, Legazpi, at Sorsogon, gayundin ang Andaya Highway at bahagi ng Maharlika Highway sa rutang Naga–Sipocot–Lupi.
Inihain ni Dizon na alam nya ang sitwasyon ng mga ito pag-upo nya ng nakaraang taon. Sinabi nyang hindi naging priority ang Maharlika kaya paunti-unti, aspalto kung isaayos mula 2025 hanggang ngayon, resulta kung bakit hindi nakakabyahe ng maayos sa distrito kahit malapit lamang ang distansya.
“We are really taking this seriously—not a band-aid solution,” dagdag niya. “Kung pupundohan at gagamitin nang tama ang pondo, maayos ang proyekto.”
Samantala, nang kuwestiyunin hinggil sa isyu ng korapsyon kaugnay ng mga hindi natapos na proyekto at umano’y substandard na gusali, iginiit ng administrasyon na nahihirapan silang balikan ang detalye ng mga nakaraang proyekto dahil sa kakulangan ng dokumento at transparency ng dating regional management, kaya’t hindi agad makumpirma kung ano ang saklaw at dapat na naging resulta ng mga ito.
Matatandaang nasasangkot ang ahensya sa iba’t ibang alegasyong pang-korapsyon na ayon sa Commission on Audit (COA) 2024 audit, may 2,596 locally funded DPWH projects na hindi natapos o naantala, kabilang ang mga ongoing, suspended, at unimplemented projects na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱138.2 bilyon. Sa bilang na ito, 1,435 proyekto ang hindi natapos sa loob ng kontrata, 523 ang suspended, 491 ang may mataas na negative slippage, 114 ang hindi pa nasisimulan, at 33 ang na-terminate.
Sa ngayon, hindi pa tukoy kung ilan ang pondo na ilalaan sa mga pagsasaayos, eksaktong pagsisimula at pagtatapos ng mga proyekto, at kung aling kontraktor ang hahawak sa mobilisasyon sa rehiyon ng Bikol.




