THEPILLARS/FEATURES

Maitim ang EDSA, hindi ito Dilaw

Bago ang mga dilaw na laso, may maitim na panahon.

Maitim ang EDSA, hindi ito Dilaw

Thaddeus Noble / ThePILLARS

TUWING SASAPIT ang anibersaryo ng EDSA, agad bumabalik ang kulay dilaw—mga laso, plakard, at mga imaheng naging pamilyar sa mga aklat-aralin. Sa paglipas ng panahon, naging iba ang nagiging interpretasyon ng kulay: dilaw ang People Power, dilaw ang demokrasya, dilaw ang pag-asa.

Ngunit ang ganitong pag-alala ay mapanganib sa pagiging payak.

Hindi dilaw ang EDSA. Maitim ito.

Ang Kulay ng Takot

Bago ang mga litrato ng nakangiting madre sa harap ng tangke, may mga taong dinampot sa gitna ng gabi, pinahirapan dahil lamang sa pag boses ng kanilang mga saloobin at opinyon. Bago ang mga bandilang iwinagayway sa EDSA, may mga pamilya munang nawalan ng anak, umiyak ng dugo’t pawis para sa kanilang mga pamilya at nag bulag-bulagan sa sistemang umaapi sa karamahin at nasa laylayan. Bago ang pakikibaka ng apat na araw, may labing-apat na taon ng pangamba. Pangamba na baka, iyon na ang huling sandali na sila ay masisikatan ng maligamgam na araw.

Ang EDSA ay isinilang sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr., ito ang mga panahong tinakpan ng takot ang maraming tahanan. Ang mga paglabag sa karapatang pantao ay hindi simboliko. Totoo ang mga ito. May mga pangalan. May mga bangkay. May mga nanahimik. Ito ang tunay na kulay ng pinanggalingan ng People Power.

Hindi dilaw. Maitim.

Ang Pagliit ng Alaala

Nang maikabit ang EDSA sa dilaw, may nangyaring pagbabago. Ang isang multi-sektoral na pag-aalsa ay unti-unting naitugma sa isang kampanya, isang pamilya, isang tradisyong politikal.

Ang simbolo ay naging partido. At kapag naging partido ang simbolo, nahahati ang alaala. Kapag nahahati ang alaala, humihina ang kolektibong pag-ako sa kasaysayan.

Sa ganitong pagliit ng naratibo, nababawasan ang espasyo para sa iba pang mga tinig tulad na lamang ng mga manggagawang nagmartsa, ang mga estudyanteng nag-organisa, ang mga pamilyang tahimik na nagbantay sa lansangan, at maging ang mga sundalong tumiwalag. Kapag ang alaala ay naging kulay, nawawala ang lawak ng karanasan. Ang isang pambansang sandali ay nagiging partisan na alaala.

Ang panganib nito ay hindi lamang historikal kundi politikal. Kapag ang isang bahagi ng lipunan ay hindi nakikita ang sarili sa kuwento ng EDSA, mas madali itong itakwil o balewalain. Sa halip na maging kolektibong pamana, nagiging pinagtatalunang simbolo ito. At kapag ang kasaysayan ay nagiging simbolong pinagtatalunan, nababawasan ang kakayahan nitong magsilbing batayan ng pagkakaisa at pag-aalsa.

Ang EDSA ay hindi pag-aari ng iisang kulay. Ngunit sa paulit-ulit na pagdikit nito sa dilaw, tila naging eksklusibo ang kuwento, parang may isang kampo lamang ang may karapatang umangkin ng People Power.

Dito nagsisimulang magdilim ang pag-unawa.

Maitim ang Pag-alsa

Maitim ang EDSA dahil isinilang ito sa dilim. Maitim dahil may mga pangako ito na hindi pa rin nakakamit. Maitim dahil sa likod ng kapayapaan sa apat na araw ay dekadekada ng dahas. Maitim dahil hanggang ngayon, hindi pa tapos ang mga tanong na iniwan nito.

Maitim din ito dahil ang mga pagbabagong institusyonal na naabot noong 1986 ay hindi awtomatikong nagbunga ng panlipunang pagkakapantay-pantay. Ang pagbabalik ng mga demokratikong proseso ay isang mahalagang hakbang, ngunit hindi nito nabura ang mga lumang estruktura ng kapangyarihan. Ang pag-alsa ay nagpalit ng rehimen; ang mas malalim na pagbabago ay nanatiling isang patuloy na gawain.

Ang demokrasya ay hindi dekorasyon. Hindi ito kulay na isinasabit tuwing Pebrero. Isa itong patuloy na gawain; at ang gawain ay hindi laging maliwanag.

Kung patuloy nating tatawaging dilaw ang EDSA, pinapakinis natin ang kasaysayan. Ginagawa natin itong mas komportable kaysa sa dapat.

Ngunit ang tunay na pag-alala ay hindi komportable. Maitim ito. At marahil, sa pagtanggap sa dilim, mas magiging totoo ang liwanag.

ABOUT THE AUTHOR